Australian investors, magtutuloy-tuloy pa rin sa kanilang mga proyekto sa Cebu sa kabila ng pandemya

Australian investment in Cebu

Australian Ambassador Steven Robinson with Cebu Governor Gwendolyn Garcia, as part of his visit in the Visayas, affirming Australia's engagement in the region. Source: Australia in the Philippines Facebook page

Sa kabila ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa pandemya, tuloy-tuloy parin ang mga pamumuhunan ng bansang Australia sa Cebu maging sa ibang parte ng Visayas, ayon kay Australian Ambassador to the Philippines Steven Robinson.


Highlights
  • Proyekto ng mga Australian investors sa Cebu, magtutuloy-tuloy pa rin
  • Kaso ng COVID-19 sa Cebu City, muli na namang tumataas base sa isinagawang pag-aaral ng Octa Research.
  • Mga negosyante sa Bacolod, nakiusap na tanggalin na ang curfew at liquor ban.
Sa kanyang dalawang araw na pagbisita sa Cebu, sinabi ni Robinson na pinag-aaralan na ng mga Australian investors ang mga oportunidad sa Cebu sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Para sa Visayas, ilan sa kanilang target ay ang pagpapatayo ng karagdagang business process outsourcing (BPO) companies, ship building at energy companies.


 

 

Katunayan, ang Australian Energy Company na Star Scientific Limited ay lumagda na sa isang memorandum of understanding (MOU) kasama ang Department of Energy para sa posibleng hydrogen exploration sa Visayas.

Sakaling matuloy ito, ito ang magiging unang hyrdogen fuel generation sa bansa.

Binanggit rin ni Robinson na nais nilang ipakita ang kanilang suporta sa mga Pilipino lalo na ngayong kritikal na panahon.

Kaso ng COVID-19 sa Cebu City, muling tumaas

Muli na namang tumataas ang COVID-19 cases sa Cebu City base sa isinagawang pag-aaral ng Octa Research—isang independent research group na binubuo ng ilang personahe ng University of the Philippines, University of Santo Tomas at Providence College sa USA.

Base sa inilabas nilang resulta, simula noong January 28 ay may 147 average COVID-19 cases kada araw ang Cebu City—mas mataas ng 67 percent kung ikukumpara sa naunang linggo.

Lumalabas rin na 1.57% ang transmission rate sa syudad samantalang nasa .96% lang ang transmission rate sa buong bansa.

Pero ayon sa Department of Health Region 7, may mga pagkaka-iba sa sitwasyon noong nakaraang taon kung saan isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City. 

Ayon kay Dr Mary Jean Loreche, nasa 24.3% lang ang kasalukuyang critical care utilization rate ng syudad—pero sakaling tumaas pa raw ang kaso ng COVID-19, nakaantabay na ang mga temporary treatment and monitoring facility ng Cebu.

Kontrolado pa rin daw ng otoridad ang sitwasyon kaya hindi pa ito sapat na dahilang upang itaas ang quarantine status ng Cebu City.

Sa datos ng health department, mahigit 12,000 na ang kaso ng COVID-19 cases ng Cebu City--1, 500 rito ang active cases.

Nasa 343 naman ang active case ng Mandaue City at 229 ang sa Lapu-Lapu City.

Pagtanggal ng curfew at liquor ban sa Bacolod

Sa Bacolod City naman, naki-usap ang ilang mga negosyante sa lokal na gobyerno na alisin na ang curfew at liquor ban sa buong syudad.

Sa isang position paper na isinumite sa City LGU, humihiling ang mga negosyante na ipawalang-bisa na ang 11pm to 4am na curfew.

Ayon kay Frank Carbon ng Metro Bacolod Chamber of Commerce and Industry, sakaling matanggal raw ito ay magkakaroon na ng mas maraming oportunidad ang mga evening businesses sa Bacolod City.

Bukod sa curfew ay nais rin nilang ma-alis na ang 12pm hanggang 6pm na liquor ban—makakatulong raw ito upang magkaroon ng kita ang mga negosyante maging ang kanilang mga trabahante.

COVID-19 outbreak sa Passi, Iloilo

Ikina-alarma naman ng otoridad ang tumataas na kaso ng COVID-19 sa bayan ng Passi sa Iloilo.

Sinabi ni provincial administrator Atty Suzzette Mamon, gumagawa na sila ng mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng kaso ng virus sa nasabing munisipyo.

Nadiskubre ang outbreak matapos isailalim sa mass testing ang nasa 600 market vendors kung saan mahigit 60 ang nagpositibo.

Dahil dito, mas hinigpitan ang border controls sa Passi, maging sa mga karatig lugar.

Proper waste management ng anti-COVID products

Aprubado na ng Cebu City Council ang ordinansa na magpapataw ng multa sa mahuhuling magtatapon ng masks at iba pang protective gears laban sa COVID-19 sa hindi tamang pamamaraan.

Nakasaad sa ordinansa na ang hindi tamang disposal ng COVID-19 protective products gaya ng face masks, face shields, hand gloves at personal protective equipment ay maaring magdulot ng masamang epekto hindi lamang sa kalusugan ng publiko ngunit maging sa kalikasan.

Sakop rin ng ordinansa ang wastong disposal ng mga disinfectants, hygiene products gaya ng wipes, tissue, sanitizers at alcohol.

Ang mahuhuling violators ay may multa ng 1,000 pesos para sa first offense. 2,000 pesos fine naman sa second offense, samantalang 5,000 pesos sa third offense.

Share
Follow SBS Filipino

Download our apps
SBS Audio
SBS On Demand

Listen to our podcasts
Independent news and stories connecting you to life in Australia and Filipino-speaking Australians.
Understand the quirky habits of Aussie life.
Get the latest with our exclusive in-language podcasts on your favourite podcast apps.

Watch on SBS
SBS News in Filipino

SBS News in Filipino

Watch it onDemand
Australian investors, magtutuloy-tuloy pa rin sa kanilang mga proyekto sa Cebu sa kabila ng pandemya | SBS Filipino