Base sa pag-aanalisa, lumalabas na hindi nagiging epektibo ang naging hakbang ng gobyerno hinggil sa pagbibigay ng libreng pag-aaral ng mga migrante ng wikang Ingles.
Ayon kay Acting Immigration Minister Alan Tudge lumalabas na 21 percent lamang ang nagtutuloy ng pag-aaral ang natitirang porsiento ay nanatiling mahina sa wikang Ingles.
Hirap mag-English
Batay sa census data, lumalabas na tumaas ang bilang ng mga taong nagsasabi na hindi sila makapag salita ng maayos na English mula sa 560,000 noong 2006, umabot ito ng 820,000 noong 2016.
Dahil dito, planong i-overhaul ang English language courses para sa mga refugees. Sa ngayon 510 hours ang kailangan gugulin sa pag-aaral nito.
Ang AMEP o ang Adult Migration English program, isa sa mga mga programang pinalawig at pinondohan ng gobyerno na nagbibigay ng libreng pag-aaral sa mga migrante para mahasa sa pagsusulat at pagsasalita ng English.
Tinatayang nasa 300 na lugar ang mayroon nito sa buong bansa. Kaya naman hinihikayat ni Tudge ang mga kwalipikadong migrante na samantalahin ang pagkakataon.
Isa din aniya itong paraan para madaling matanggap sa trabaho at para maiwasan ang pagkalat ng mga maling impormasyon at propaganda na maaring kumalat sa pamamagitan ng multisectoral media.
Language barrier
Para kay Ester Buenaventura, isang Filipina, mainam ang hakbang na ito ng gobyerno, ang language barrier daw kasi ang dahilan ng mga insidente ng bullying at discrimination hindi lamang sa Australia maging sa buong mundo.
"Kapag hindi ka marunong mag English, pinagtatawanan ka na, hindi mo pa alam."
Naging adbentahe naman daw sa kanya na may asawa siyang Australiano, nahasa siya sa English, pero pahirapan noong mga unang taon ng kanilang pagsasama.
"Ang pronunciation ko ng bag, kino-correct niya ako. It should be” BEG”, kapag mali ang pronunciation ko kino-correct niya ako minsan, I feel embarrassed."
Dagdag na katanungan sa Citizenship test
Kaugnay nito, plano rin ng ahensya na dagdagan ang mga tanong tungkol sa Australian Values sa pagsusulit sa Citizenship. Dito ay may 20 tanong at kailangan makakuha ng 75% na tamang sagot, o lima lamang ang mali. Pero maari naming sumubok uli kung bumagsak.
Ayon kay Tudge, ang pagiging Australian Citizen ay may kaakibat na responsibilidad. Ito ay kailangan ipagkalaoob sa mga taong sumusuporta sa kanilang adhikain, may galang sa batas at kailangan mag-ambag para sa patuloy na kaunlaran ng Australia.
Bagay na nakaabot sa kaalaman ng 47 anyos na si Leah Yanos, isang Filipina na mula Bacolod. Balak na kasi niyang mag-aplay ng citizenship sa isang taon.
“Mag lesson ka, kailangan may confidence at may tiwala sa sarili mo,” payo ni Leah.
Pag-aaply ng citizenship
Bagama’t wala naman daw halos pagkakaiba ang mga benipisyo ng isang permanent resident sa isang citizen mas madali umano aprubahan ng Immigration kung sakaling nais niyang kuhanin ang kanyang apo na nasa Pilipinas. Nakita kasi niya na mahirap kung tatanda siyang mag-isa dito.
Aniya, maayos ang pamumuhay dito, kaya determinado siyang maging citizen.
Naalala tuloy niya ang kanyang ina noong magkasakit ito, nasa Pilipinas pa siya noon.
“Wala akong pera wala ako pambayad sa ospital, masakit talaga kasi wala ako magawa, kaya noong nagkasakit si tatay, nandito na ako at may trabaho, ginawa ko lahat para sa kanya kahit 95 years old na siya, bumawi ako ginawa ko lahat sa tatay ko na hindi ko naibigay sa aking ina.
Ilan sa mga benipisyo ng isang citizen:
- Hassle free na travel at re-entry
- Suportado ng konsulado habang nasa ibang bansa
- Federal Government at Defence jobs
- Visa-free travel sa 183 na bansa
- Financial assistance sa edukasyon
- Proteksyon sa deportasyon
- At pwede kang maging Prime Minister ng bansa