Highlights
- Taong 1970's nadiskubre ng mga hip-hop pioneers ang Breakdancing sa America
- Ang Breakdancing ay tatawaging "Breaking“ sa Olympic Games
- Ang pagsama ng Breakdancing sa Olympics, magbibiga ng inspirasyon sa mga bagong nahilig sa pagsasayaw
Kung ang skateboarding, surfing, BMX at rockclimbing ay nakasama sa unang pagkakataon sa Tokyo Olympic ngayong taon, sa Paris Olympics sa 2024 aarangkada na ang breakdancing bilang opisyal na kabilang sa Olympic sports.
Taong 1970’s ng unang makilala ang breakdancing ng mga hip-hop pioneers sa U-S o America. Kaya ang 26 anyos na Ukrainian breakdancer na si Kateryna Pavlenko na mas kilalang si B-Girl Kate , umaasang makasama sa kompetisyon.
"Oh, isang malaking karangalan na maikwento ko sa mga apo ko na nakarating ako sa Olympics," masayang kwento ni Pavlenko.
Ang pagsama ng urban and lifestyle sports na breakdancing ng International Olympic Committee ay para makahakot ng atensyon sa mga mas batang manunuod.
Ang Breakdancing ay tatawaging "Breaking“ sa Olympic Games. At kung dati ay nasa mga daan lang nagpapatalbugan ang mga kagaya ni Kateryna ngayon, sabi nito masaya sya dahil makikila na ang may kakayahan na kagaya nya sa ibang platform at malaking kompetisyon.
"Dati parang hindi lang pinapansin ang breakdancing. Panahon na din na maiangat ang ang art na ito, sa ibang level naman at mas makilala pa," kwento ng dalaga.
Dagdag pa nito alam nya maging madugo ang paghahanda sa ganitong sports dahil pinapakita kung sino ang pinakamagaling sa ganitong larangan.
"Sa breakdancing its very competitive at makikita kung sino talaga ang magaling at kung sino ang talunan," dagdag ni Kateryna.
Samantala ang 33 year-old na Brazilian breakdancer na si Fabiano Lopes , nadiskubre ang breakdancing tatlong dekada na ang nakalipas, matapos mapanuod ang B-Boy na parang trompo o windmills na sumasayaw sa telebisyon.
Ang popular sa instagram bilang B-Boy Neguin na may 500 thousand followers , si Fabiano ay nagtuturo na ngayon ng sayaw . At isa sya sa umaasang makapunta sa Paris Games bilang kalahok sa kompetisyon o kaya kabilang sa mga coach.
"Umaasa ako na maging maganda ang kalalabasan ng paghahanda sa Olympics. Kaabang abang kung sino ang judge at kung sino ang mag-compete. Gusto ko talaga ma-iangat itong kultura at art sa pagsasayaw," sabi ni Lopes.
Naniniwala din si Fabiano na isang magandang oportunidad sa lahat na mapasama ang breakdancing sa Olympics.
"Dugo, pawis at luha ang puhunan sa paggawa ng galaw sa Breakdancing, kaya sana mas makita ng mga manunuod kung gaano kaganda ang art sa pagsasayaw, kagaya ng maraming ball games," dagdag pa ng dancer.
Kwento naman ng bente siete anyos na American na si Victor Montalvo, nakatulong umano ang social media para malaman nito na marami na ang may gusto sa ganitong sports. At ngayong makasama pa sa Olympics, magbibigay umano ito ng inspirasyon sa mga bagong nahilig sa pagsasayaw.
"Noong bata pa ako akala ko, ako lang at yong kasama ko yong nag-breakdancing pero noong nagsimula na ang YouTube taong 2005, dun ko nakita ang lawak na pala ng narating ng breakdancing, buong mundo na," kwento ni Montalvo.
Si Montalvo ay na-engganyo na mag breakdance ng kanyang ama at kakambal nito na puro galing Mexico. Ngayon si Montalvo ay kilala bilang B-Boy Victor, at naghihintay na pormal ng mailatag ng International Olympic Committee ang proseso sa kung paano makapasok ng tulad nyang breakdancer sa Paris Olympic.
"Ang batayan talaga nitong Breakdancing ay yong originality, identity at may sarili kang galaw at tugtug. Ang tipong nadadala mo ang buong manunuod kasama sa iyong tugtog at galaw."