Highlights
- Epidemic curve sa Pilipinas bumaba ng -3 percent
- Pangulong Rodrigo Duderte nag-sorry sa pagpapalawig ng MECQ
- Ivermectin pinag-aaralang gamitin sa mild to moderate COVID-19 cases
Bumababa na ang epidemic curve o ang mataas na antas ng hawaan ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, maging sa Metro Manila.
Tinukoy ni Health Secretary Francisco Duque III na mayroon nang negative three percent na pagbaba sa growth rate ng mga kaso sa buong bansa.
Malaki ang ibinaba nito sa fifty percent growth rate na naitala tatlo hanggang apat na linggo na ang nakalilipas.
Sa kabila nito, mananatili pa rin sa modified enhanced community quarantine o MECQ ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan gaya ng Bulacan, Rizal. Laguna at Cavite hanggang sa ika-14 ng Mayo.
Ito ay para umano panatilihin ang pagbaba ng mga bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nasa MECQ rin ang Santiago City sa Isabela Province at ang mga lalawigan ng Quirino at Abra.
Nasa General Community Quarantine naman o GCQ ang: Apayao, Baguio City, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Quezon, Tacloban City, Iligan City, Davao City at Lanao Del Sur.
Modified General Community Quarantine naman ang iiral sa nalalabing bahagi ng bansa.
Nag-sorry ang Pangulo
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si pangulong duterte sa dalawang linggo pang pagpapalawig ng modified enhanced community quarantine sa metro manila at sa mga katabing lalawigan.
Hiling daw ito ng mga medical groups at maging ni Health Secretary Francisco Duque III, na mas nakakaintindi sa sitwasyon.
Alam naman daw ng pangulo ang galit ng publiko sa sitwasyon, pero wala raw siyang magagawa laban sa virus na nagdudulot ng COVID-19.
Hindi na rin umano nagulat si Pangulong Duterte na umabot na sa mahigit isang milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Batid umano ng pangulo na mayroon pa ring mga pilipino na hindi sumusunod sa mga health protocol.
Sinabi ni pangulong duterte na patuloy na tataas ang mga kaso hanggat hindi nababakunahan ang nakararaming Pilipino.
Balik-serbisyo
Papayagan nang muli ang dine-in at personal care services sa mga lugar na nasa MECQ simula bukas, unang araw ng Mayo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force ang rekumendasyon sa pagbabalik ng dine-in services sa mga restaurant, kainan, at iba pang food preparation establishments pero hanggang sa 10 percent lamang ng venue o seating capacity.
Samantala, aprubado na rin ang pagbabalik ng operasyon ng mga beauty salon, beauty parlor, barbershop at nail spa sa inisyal na 30 percent ng seating capacity sa mga MECQ areas.
Pero ang mga personal care establishments ay kailangang mahigpit na sumunod sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks ng mga kliyente at empleyado sa lahat ng oras.
Maaari naman umanong mas malaki pa ang operasyon ng mga food preparation establishments at personal care services sa limitasyon na itinakda ng IATF, pero kailangang makasunod sila sa tinatawag na safety seal certification program.
Ang mga personal care establishments at iba pang serbisyo na hindi nabanggit ay hindi pa rin pinapayagang mag-operate.
Ivermectin Trials
Namigay naman kahapon sa mga nangangailangan ng mga gamot na Ivermectin sa Quezon City.
Ginawa ito ng dalawang kongresista—sina Anak Kalusugan Partylist representative Mike Defensor at Deputy speaker at Sagip Party-list Representative Rodante Marcoleta.
Ang Ivermectin ay ginagamit sa Pilipinas na gamot sa mga hayop, at wala pang ipinalalabas na permit ang Food and Drug Administration para sa Ivermectin na gamot for human use.
Pero iginiit ng mga doktor na nasa Ivermectin pantry, na mura at ligtas ang Ivermectin at makatutulong iyon laban sa covid-19.
Ayon naman sa isang eksperto, nananatiling “insufficient” o hindi sapat ang mga ebidensya para sabihing mabisa ang Ivermectin laban sa COVID-19.
Sinabi ni Dr. Marissa Alejandria ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, Incorporated, kailangan pa ng dagdag na pag-aaral para patunayan na magagamit ang Ivermectin sa mga mild to moderate COVID cases.
Pero hindi naman daw nila isinasara ang pintuan para sa ivermectin laban sa covid-19.
Sa panig naman ng gobyerno, sinabi nito na ikinakasa na ang clinical trials para sa Ivermectin laban sa COVID19.
Sinabi ni Dr. Jaime Montoya ng Philippine Council for Health Research and Development ng Department of Science and Technology na maaaring umpisahan ang clinical trials dito sa mayo o hunyo. Tatagal daw ng anim na buwan ang mga pag-aaral.