Isa ang aged care worker mula NSW na si Claudia Tabalina sa mga nakapila para magpabakuna.
Marami man ang nag-aalinlangan, para kay Claudia, bahagi ng kanyang responsibilidad ang masigurong ligtas ang kalusugan ng kanyang mga inaalagaang matatanda.
"Proteksyon din sa amin yan pati sa mga matatanda rin, at least hindi sila mahahawaan"
Habang nag-aabang ng anunsyo mula sa kanilang aged care facility, inihahanda na nya ang sarili para sa mga posibleng side effects ng bakuna. Lalo na at normal umano itong mararanasan sa kahit anong vaccination.
"Usually I take vitamin C, kumakain ng prutas at gulay araw araw para ma-boost ang immune system kahit na may side effect. Kapag maganda ang immune system mo, hindi ka masyadong apektado."
"Sabi nila, yung iba nagkaka-light headedness, colds or mild flu, yung iba nagkaka pantal pero reaction kasi yun ng katawan natin sa vaccine. "
Payo naman ng mga doktor, mainam na panatilihing hydrated ang katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig bago magpabakuna.
Ayon kay New South Wales Premier Gladys Berejiklian nasa 1,200 vaccinations ang nagawa noong Lunes sa estado.
Target nilang mabakunahan ang lahat ng mga residente hanggang sa katapusan ng Oktubre.
Ayon sa chief medical officer ng Australia na si Paul Kelly, nasa 20 porsyento ng mga Australians ang nagdadalwang isip tungkol sa pagpapabakuna.
Kaya mahalaga ang suporta ng mga healthcare workers sa programa at ang ginagawang information dissemination campaign sa mga komunidad.
Para sa magsasadya sa mga vaccination hubs, kailangan magdala ng ID at pruweba na ikaw ay isang eligible critical worker na kabilang sa Phase 1A.
Paalala din nito sa dapat manatiling Covid-safe habang nagpapatuloy ang vaccine rollout.
Ipagpatuloy ang paghuhugas ng kamay, social distancing at pagsusuot ng mask sa mga mataong lugar.




