Matapos mawalan ng trabaho dahil sa pandemya, naisipan ng champion barista na si John Rey Plaza na magtayo ng isang street coffee bar.
Kaya naman gamit ang motor na pinatungan ng plantsahan, pumwesto siya sa hi-way ng Bajada kung saan madalas dumadaan ang mga nag-jo-jog at nagbi-bike.
Highlight
- Street coffee bar, sikat ngayon sa Davao City.
- Magnitude 6.1 na lindol, tumama sa Southeastern Mindanao.
- Kaso ng COVID-19 sa Socksargen, patuloy ang pagtaas.
Kwento ni John Rey, hindi naging madali bago niya napagtagumpayan ang street coffee.
Bukod sa walang sapat na puhunan, nahirapan din siya sa paghahanap ng ma-pu-pwestohan.
Kilala si Plaza dahil sa pagiging champion barista.
Taong 2019 nang tanghalin siya bilang champion sa coffee triangulation. Umani rin siya ng iba pang parangal sa iba't ibang mga kumpetisyon sa maynila at cagayan de oro.

Champion barista John Rey Plaza Source: Kapeweñoz Specialty Coffee Davao.ph Facebook
Ang kanyang kasamang si Arnold Seron, sa Roxas avenue naka-pwesto.
Ang kanyang puhunan-- galing sa 6,000 pesos na ayuda mula sa gobyerno.
At dahil walang mga mamahaling ekipo -- manual brewing in Japanese style ang ginagawa ng mga street coffee stalls.
Ang gamit nilang produkto, kape mula sa Mt. Apo.
Nagpapasalamat ang mga street coffee maker sa suportang ibinibigay ng mga kapwa dabawenyo sa kanilang produkto.
Napakalaking tulong raw ito lalo na sa kanila na naapektuhan ang trabaho dahil sa pandemya.
Magnitude 6.1 na lindol, yumanig Southeastern Mindanao
Niyanig ng 6.1 magnitude na lindol ang Davao region alas dose ng tanghali noong Linggo, Pebrero 7.
Sa record ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Philvocs, ang epicenter ng lindol ay sa Magsaysay, Davao del Sur.
Intensity seven ang naramdaman sa Mlang, Makilala at Kabacan sa North Cotabato.
Intensity six sa Isulan, Sultan Kudarat samantalang intensity five sa Digos City, ilang area sa North at South Cotabato at Sultan Kudarat.
Tatlong bahay naman ang nasira sa Bansalan, Davao del Sur. May damage ring naitala sa kanilang university gym, COVID-19 facility at isang barangay hall.
Sunod-sunod rin ang aftershocks na naitala matapos ang malakas na pagyanig.
Paalala ng awtoridad, 'wag kalimutan ang duck, cover and hold sakaling may tumama uling lindol.
Kaso ng COVID-19 sa Socksargen, patuloy ang pagtaas
Umabot na sa halos limang libo ang kaso ng COVID-19 sa rehiyon ng Socksargen base sa pinakahuling datos ng health department.
Kahapon, nakapagtala limangput isang bagong kaso ng COVID-19 ang rehiyon kaya nasa 4, 979 na ang total cases dito.
Pinakamarami pa rin ang sa General Santos City na may 177 active cases at 1,804 na kabuuang kaso.
Mabilis rin ang pagdami ng kaso ng virus sa North Cotabato kung saan umabot na sa 162 ang active cases.
Sa South Cotabato naman, 1,413 na ang active cases.
Sa ngayon, 4,256 ang total recoveries ng rehiyon; samantalang 179 na ang pumanaw dahil sa sakit.
Ordinansa para mandatory COVID testing prior to entry into Davao International Airportt, pasado na
Pasado na sa third and final reading ng Davao City Council ang ordinance providing for mandatory testing prior to entry into davao city via davao international airport.
Ibig sabihin, lahat ng bibiyahe papuntang Davao airport ay kailangang magpresenta ng negative RT PCR test result na inisyu sa loob ng tatlong araw o 72 hours.
At sakaling walang maipakitang RT PCR result, kailangan silang i-hold sa airport quarantine facility upang sumailalim sa testing. Maari lamang silang makalabas ng airport oras na makakuha ng negative result.
Pero dahil suspendido pa rin ang COVID-19 testing sa Davao airport, lahat ng walang swab test result ay kailangang sumailalim sa 14 day home quarantine.
Ang sinumang lalabag sa ordinansa ay may multang 5,000 pesos.




