Ipinagdiwang lang ng Ellenvale Cottage ang ika-dalawampu’t limang anibersaryo nito. Itinayo ni Ellen ito matapos nilang isara ang pinaka-una nilang negosyo sa Australya noong unang mga taon ng dekada nobenta dahil sa ‘recession’.
Ang kanyang pinsan na si Tess Valenton-Yap ay isang ‘diversional therapist’ na hinikayat siyang mag-aral ng ‘folk arts’. Siya ay nag-alangan noong una dahil ayon sa kanya, “I’m not an artist.”

Ms Ellen Valenton during the 25th year celebration of Ellenvale Cottage Source: Supplied by E.Valenton
Nagbenta na lamang siya ng mga produkto sa pagpipinta noon. Ngunit kahit na iyon ay naging hamon para sa kanya; ang kanyang mga tagatangkilik ay nagsimulang magtanong sa kanya kung paanong gamitin ang mga produkto – hindi niya ito alam, kaya ito ay naging isang punto ng pagbabago para sa kanya: “You can’t sell the product if you don’t know it.”
Si Ellen ay nag-aral sa isang ‘community centre’ sa loob ng anim na buwan. Ngunit napagdesisyunan niyang huwag na itong ipagpatuloy para magkaroon siya ng mas maraming oras kasama ang kanyang pamilya at matuunan ang kanyang negosyo. Siya ay nag-ensayo sa kanyang ‘shop’ at nagpinta ng mga ‘daisy’ at ‘strawberry’. Nakakuha ito ng atensyon at lumapit sa kanya ang isang babae at nagsabing: “Oh, you’re doing that! Can I join you next week?” at simula noon kanyang ibinahagi: “That one person became two, became three and it just grew.”
Naging mas matamis ang kanyang tagumpay dahil sa pagbubukas ng isa pang oportunidad. Si Morris Kelly mula sa Topmill Company ay tinanong siya kung maaari ba nilang isalathala ang kanyang mga ginawa. Kanya itong sinagot na: “Look, you can come and have a look at my work first.” Tinanggap ni G Kelly ang imbitasyon at siya ay namangha sa mga nilikha ni Ellen at nagsabing: “This is perfect for a little book for you.”

Teabox with 6 coasters, one of the workshops of Ms Ellen last 2018 Source: E. Valenton
Ngunit bago maisalathala ang una niyang libro, muntik ng mawalan ng buhay si Ellen. Naranasan niya ang ‘anaphylactic shock’ na naging daan upang mawalan siya ng malay sa loob ng ilang mga araw. Nagsabi ang mga doktor sa kanyang pamilya na maaari siyang mamatay o kung siya ay makaligtas, mamumuhay siyang parang isang gulay.
Naging mahirap at emosyunal na sandali ito para sa kanyang pamilya. Ngunit matapos ang ilang mga araw, nagbalik ang kanyang malay. Kanyang inalala ang sandali kung paanong ang kanyang mga doktor at pamilya ay pinalibutan siya, na hindi alam ang kanyang tadhana.
Ginalaw ni Ellen ang kanyang kamay, tiningnan ang kanyang asawa at gumawa ng isang aksyon na nangangahulugang siya ay humihingi ng bolpen at papel. Nang makuha niya ito, sinulat niya ang ‘contact’ ng ilang mga tao at mga partikular na petsa – ito pala’y paghahanda na sa ika-unang ‘Christmas exhibition’ sa Ellenvale Cottage. Lahat ng nasa silid na iyon ay nagpalakpakan dahil kanilang nasaksihan ang iniisip ng kanyang pamilya na isang milagro.
Matapos na makaligtas si Ellen, sinundan ito ng pagsasalathala ng kanyang aklat. Ito ay umikot sa buong Australya: “That was lovely! In the news agencies, you could see my face. I said I couldn’t believe it [that] I could do this. [Morris Kelly] asked me to do one book and it was followed by another two,” pagbabahagi ni Ellen.

Books published by Ms Ellen's family Source: C. Diones
Ang maalalahaning ‘folk artist’ na ito ay nagsabi na kahit na marami na siyang narating, hindi pa rin siya titigil dahil kahit isa na siyang beteranang pintor na napakarami ng naipinta, kanya pa ring pinagmamasdan ang mga dati niyang naipinta at iniisip na maaari pa niya itong pagandahin.
Bilang isang guro, kanyang naunawaan na ang paglikha ng sining ay nangangahulugang pagsang-ayon sa panghabambuhay na pag-aaral. “I learn from my students too because if they wanted me to teach something beyond my ability, I would try my best to attain that ability [I do not have].”
Inamin ni Ellen na siya ay naging mas mabuting tao para sa kanyang pamilya dahil sa kanyang mga estudyante. Siya ay mas naging pasensyosa at mabuting tagapakinig. Natutunan niya ang kahalagahan ng relasyon. At para bigyan siyang paalala na maging ganito sa bawat sandali, palagi niyang sinasabi sa sarili: “Lord, help me to be a better person every day.”

Cow paper towel holder or scrunchy holder, one of the workshops of Ms Ellen last 2018 Source: E. Valenton
Mula sa pagiging isang ‘studio’ para sa mga ‘folk artists’, lumawak ang Ellenvale Cottage sa iba’t ibang istilo ng sining para makatugon sa lumalaking dibersidad ng kanilang mga estudyante. Sa kasalukuyan, naging tahanan na rin ito ng mga taong may kapansanan at mga humaharap sa problemang pang-mental tulad ng depresyon.
“I started as a folk artist and then we moved on, that’s why the studio is still here for 25 wonderful years. We’re still here and we keep moving on,” pagbabahagi ni Ellen.
Sa pagpasok ng bagong taon, hindi natatakot si Ellen na palawakin ang istilo ng sining na matutunan sa kanyang ‘studio’. Siya ay bukas na yakapin ang moderno at ‘aboriginal’ na sining para sumubok ng naiiba para sa mga tagahanga ng sining na dumarayo sa Ellenvale.

A sample of modern art from Ellenvale Cottage Source: E. Valenton