Highlights
- Isa sa siyam na kababaihang Australyano ang mayroong endometriosis.
- Nag-anunsyo ang pamahalaan ng $58 million package sa ilalim ng National Action Plan for Endometriosis.
- Kabilang sa pondo ang pagtatayo ng mga bagong specialised endometriosis at pelvic pain clinics sa bawat estado at teritoryo.
Para sa ilang mga kababaihan, umaabot sa pitong taon o mahigit bago sila nabibigyan ng wastong diagnosis ng endometriosis ayon sa website ng health direct.
Kaya naman karamihan din sa mga kababaihan ay tinitiis ang sakit na kanilang nararamdaman tuwing ni-reregla. Kadalasan pa ay nalalaman na lamang nila na may endometriosis sila matapos ang ilang taong pagsubok na makabuo ng sanggol.
Umaasa ang mga may endometriosis na mabigyan sila ng atensyon, edukasyon at wastong paggamot sa pamamagitan ng National Action Plan for Endometriosis na kamakailan ay inanunsyo ng pamahalaan sa federal budget 2022-23.


