“First time na may Pinoy. At kami lang ang improviser dahil lahat ng magtatanghal ay mga stand-up comedian. Kaya excited na ako”, ani Improv artist na si Happy Feraren.
“Maipapasok namin ‘yung pagiging Pinoy namin sa mga eksena. Pwede kaming magsalita ng kaunting Tagalog sa gitna ng pagtatanghal,” niya.
Highlight
- Tulad ng mga Pilipino, mahaba rin ang selebrasyon ng mga Tsino at iba pang Asyano sa tuwing sasapit ang Lunar New Year.
- Sa unang pagkakataon sa mga pagdiriwang ng Lunar New Year sa Sydney, isang Comedy Festival ang gaganapin sa Chatswood.
- Kasama sa pupuno ng masasayang eksena ang dalawang Pilipino artist na sina Happy Feraren at Jeff Mesina.
Halos puro mga stand-up comedian ang imbitadong magtanghal sa Pebrero 27 sa The Concourse sa Chatswood, hilaga ng Sydney.
Masayang eksena ng Improv Comedy
“Ang kaibahan ng improv comedy sa stand-up comedy. wala siyang script. Lahat ng eksena ginagawa lang namin ng on-the-spot, impromptu siya,” paglalarawan ni Feraren.
“Papasok kami sa stage tapos hihingi kami ng inspiration o suggestion sa audience,” patuloy niya.
“Ang audience ang babato sa amin ng idea kung ano ang gusto nilang makita. Tapos gagamitin namin ‘yung ibinigay ng audience sa amin (na mga salita o idea) para magtanghal ng ilang series of scenes base sa ibinigay ng audience ng mga salita o kataga,” paliwanag producer ng Fillow Talk.
Dahil nga sa walang script, mahalaga ang magiging bahagi ng manonood sa pagtatanghal na gagawin ng Fillow Talk improv duo na si Feraren at Jeff Mesina.
“Mailalabas din namin ang ilan sa mga nakaugalian nating mga Pinoy kapag Chinese New Year sa Pilipinas. And’yan yung paghahanda ng tikoy at makulay na dragon dance.”
Tampok din sa loob ng 75-minuto ng palabas nitong Sabado (Pebrero 27) ang mga Asian-Australian na komedyante na sina Michael Hing, Diana Nguyen, Lawrence Leung, Lizzy Hoo.
Ang Lunar New Year Comedy Fest ay bahagi ng pagdiriwang ng Year of the Ox Festival (3-28 Pebrero) sa Chatswood, NSW sa ilalim ng Willoughby City Council.