Mag-isa sa bahay si Nanay Metring o Demetria Reyes, isang Filipino-Australian senior citizen. Sa edad na 90 anyos, hindi na siya nakakalabas ng bahay dahil bukod sa mahina na ang pangangatawan, takot din sya lumabas dahil sa COVID-19.
Pero laking pasalamat niya ng makatanggap ng libreng grocery package at cooked meals na hinahatid pa mismo sa bahay niya.
“Syempre, masaya, syempre malaking tulong yun ngayong pandemic. Una, nakakatulong sa aming budget. Pangalawa, nakakatulong na hindi kami makalabas. So maganda ang epekto saming mga senior na natutulungan ng AFCS.”
Ang AFCS o Australian Filipino Community Service ay isang not-for-profit at charitable organisation na tumutulong ngayon sa mga senior citizen sa gitna ng pandemya.
Ayon sa chaplain nito na si Norminda Forteza, noong nagsimula ang COVID-19 at mga lockdown, naglunsad sila ng iba't ibang programa para sa mga nakakatanda. Ilan dito ang digital literacy kung saan tinuturuan ang mga senior citizen sa mga makabagong teknolohiya, wellness call kung saan kinakamusta ang kanilang kalagayan at kung ano ang mga pangangailan lalo ang mga mag-isa sa bahay, may online prayer at bible study din. At ang pinakabago ay mga cooked meals.
“Every Friday, we prepare cooked meals para sa ating mga seniors. We plan to deliver 50 meals every week for 10 weeks itong Friday events na ito. Bukod dyan mayroon din tayong free groceries na ang mag volunteer ay nagdedeliver contactless sa mga pintuan ng ating mga kababayan.”
Giit ni Norminda malaking bahagi ang pakikipagtulungan nila sa Doveton Baptist Benevolent Society and Baptist Church, major supermarkets at Filipino businesses gayundin ang mga volunteer na nag-aalay ng panahon at skill.
Isa na rito ang dating chef na si Gil Calonsay. Ani Gil, bagaman nasa field na siya ngayon ng engineering and metal fabrication, sa pagbo-volunteer na niya naibubuhos ang passion niya sa pagluluto.

Source: AFCS
“Maganda rin kasi na nakakatulong ka sa Filipino Community hindi lang sa Filipino community kundi kahit saang community, especially ngayong pandemic, very limited ang movement ng mga old people. Minsan kailangan may pupunta sa kanila with food to make them happy.”
Malaki naman ang pasasalamat ni Lenie Cayetano na natulungan din ng grupo noong lumapit siya dito matapos dumaan sa brain surgery at hiwalayan ang dating karelasyon na inaabuso siya. Kaya naman muli niya itong binalik at nag-volunteer bilang cook. Aminado si Lenie na ang pagbo-volunteer na ito ang nagbigay saya at halaga muli sa itinuturing niyang pangalawang buhay.
“I'm happy to be in kitchen kasi gusto ko na labanan tong depresyon na nararanasan ko ngayon. So far nagsimula na ako nagluluto. Ang saya saya ng feeling ng passion ko sa pagluluto nasishare ko sa kanila. Yun ang purpose ko na gusto ko makahelp at the same time gusto ko tulungan sarili ko sa pinagdadaanan ko ngayon."
Buong Victoria ang sineserbisyuhan ng grupo at nagsisimula na rin sila sa Sydney matapos makatanggap ng mga request. May mga bagong proyekto ding nakalinya sa mga susunod na buwan. Kaya naman bukas ang kanilang grupo sa mga nais magvolunteer at nais ding humingi ng tulong.
Kaya panawagan ni Norminda:
"Napakagandang magtulungan tayo lalo na unahin natin ang mga most vulnerable nang community kasi hindi naman tayo nabubuhay para sa sarili lamang diba? Sabi nga sa mga kasabihan, dapat magtulungan, magbayanihan tayo.
At bukas ang door ng AFCS sa mga opportunities patra magshare ng resources at magvolunteer para serbisyo sa kapwa Filipino. Kami ay nandito para tumulong at kami rin ay handa ring tumanggap ng tulong."
ALSO LISTEN TO