Highlights
- Idineklara na ang State of Calamity sa buong lalawigan ng Abra.
- 1,784 na pamilya ang nasa evacuation sites habang 744 na pamilya ang nag-camp out o natutulog sa labas ng kanilang bahay.
- Binisita ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga residente ng Abra para maghatid ng tulong
Lima ang kumpirmadong patay sa magnitude 7 na lindol sa Abra na naramdaman sa ibang lugar sa Luzon ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council spokesman Mark Timbal.
131 ang naitalang sugatan, apat ang nawawala.
Nasa 48,600 na indibidwal ang naapektuhan ng lindol
Nasa mahigit 33.8 million pesos ang pinsala sa imprastraktura.
Isandaang porsyento namang naibalik ang serbisyo ng kuryente sa Cordillera Administrative Region.
Nagbabala naman ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHILVOLCS na magpapatuloy ang mga nararanasang aftershocks hanggang mga susunod na linggo, kasunod ng magnitude 7 na lindol.
Ayon kay ni PHILVOLCS OIC Renato Sulidum Jr, Maaari namang makabalik ang mga residente sa kanilang mga bahay at gusali sa sandaling ideklara itong ligtas na sa pinsala. Balot pa kasi sa takot ang ilang residente ng Abra, Ilocos Sur at Benguet dahil sa nararanasang malalakas na aftershocks.
Sa bayan ng Tayum sa Abra, sa open area sa plaza nagpalipas ng magdamag ang mga residente sa takot na abutan ng pagyanig sa kanilang bahay.
Kinumusta ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga residente ng Bangued, Abra, kasunod ng kanyang pag-iikot sa lalawigan matapos ang malakas na lindol.
Pabirong sinabi ng pangulo na tila hindi naapektuhan ng lindol ang mga residente dahil sa mainit at magiliw nilang pagtanggap sa kanya.
Kinagalak naman ng mga residente ang ipinangako ng pangulo na hindi sila pababayaan at inaayos na ang lahat ng kanilang pangangailangan.
Namigay rin ng food packs ang pangulo at tiniyak na tuluy-tuloy ang pamamahagi ng tulong, pagkain at iba pang mga pangangailangan.
Kabilang sa mga pinamamadali ng pangulog ay ang maibalik ang kuryente at linya ng komunikasyon sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol.