Key Points
- Desiderata para sa Pilipino: 'Huwag mong kalimutan ang iyong pinagmulan'
- Musika at sining malaki ang maitutulong sa pagpreserba ng wikang Pilipino.
- Ipinagdiriwang ng Pilipinas ang 'Buwan ng Wika' nitong Agosto, binibigyang-diin ang higit sa 187 wika na mayroon sa bansa.
Tula at musika
Patuloy ang kolaborasyon ng manunula na si Rado Gatchalian at singer-composer na si Rene Tinapay sa kanilang pagtataguyod ng wikang Pilipino sa pamamagitan ng kanilang ginagawang 'TulaMusika'.
"Naging adbokasiya ko na kahit na nasa ibang bansa na tayo na pagyamanin, ipagbunyi at gamitin ang ating sariling wikang Filipino," anang dating guro na tubong-Pangasinan na si Rado.
Nasa elementarya pa lamang ito nang magsimulang makahiligan ang pagsusulat ng mga tula.
Mula nang manirahan ito sa Sydney noong 2006 lalong naging malalim ang pagka-makabayan nito.

Rado Gatchalian and Rene Tinapay in their 'TulaMusika' performance. Credit: TulaMusika by Rado Gatchalian and Rene Tinapay
Bagaman matagal nang naninirahan sa Australia, ramdam sa mga musikang gawa ng tubong-Davao ang pagmamahal nito sa pinagmulang Pilipinas.
Sa simpleng pamamaraan ng pagtula at musika, hangad nila Rado at Rene a mapagyaman at maipamana sa mas batang henerasyon ang wikang Pilipino.
"Bawat salitang aking sinasambit, ramdam nila ang aking pagka-Pilipino. Kaya tuwing naririnig nila akong tumula, gusto na rin nilang magsalita ng Tagalog o Filipino," masayang kwento ni Rado.
Buwan ng Wika
Naalala pa ni dating guro at manunula na si Rado kung paano siya ka-aktibo sa pagsali sa tuwing may mga aktibidad tuwing Buwan ng Wika sa Pilipinas.
"Madalas may mga kumpetisyon sa pagtula, Balagtasan, at maging pagsulat mismo ng tula."
Tuwing buwan ng Agosto, abalang-abala ang Pilipinas lalo na ang mga paaralan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribado para sa pagdiriwang ng wikang Pilipino.

Speaking your own language is the best practice to preserve it. Credit: Supplied by Rado Gatchalian
"Mahalaga na bigyan natin ng pansin sa pagdiriwang ngayong taon hindi lamang ang paggamit ng wikang Filipino o Tagalog, kundi ang pagbibigay-diin sa iba pang rehiyonal na wika at diyalekto na mayroon ang Pilipinas," dagdag ni Rado.
Ang Pilipinas ay may higit sa 187 na wika na ginagamit sa kabuuan ng bansa.
'Desiderata para sa Pilipino'
"Karamihan, kapag bagong dating sa isang bagong bansa, gaya ng Australia, maraming magulang ang nag-aalala na baka hindi makapagsalita ng Ingles ang kanilang mga anak, kaya sinasanay na lamang nila na mag-Ingles ang mga ito."
Ang paggamit ng sariling wika Pilipino kapag nasa labas na ng Pilipinas ay isa sa mga hamon na madalas na kinakaharap ng mga Pilipino.
"Natatakot sila na kung itutuloy ang pagsasalita ng Tagalog o Filipino ay hindi maka-bagay sa iba ang mga lalo na sa Ingles," ani Rado Gatchalian na siyang kasalukuyang Vice-President (External) ng Tagalog Association of Australia.
"Napaka-importante na maipagpatuloy natin ang paggamit ng ating sariling wika lalo na kapag nasa bahay, dahil kapag nasa labas, madali na matututo ang mga bata ng Ingles."
Pinaka-mainam na paraan na maipamana natin ang ating wikang Pilipino ay sa pamamagitan ng mismong paggamit nito."

Rado Gatchalian pens his own poetry about his love for homeland, language and culture. Credit: SBS Filipino
Ang panitikan, sining at musika ay ilan lamang sa mga pamamaraan para lalo pang malinang at mapagyaman ang wikang taal sa atin.