Sa pinakabagong inilabas na anunsyo ng DHS, ipinapakita ng istatiska na kada gabi, aabot sa isang daan at limang libong katao ang walang tahanan, apatnapu’t dalawang porsiyento sa mga ito ay nasa edad na mababa sa dalawampu’t limang taong gulang, at aabot naman sa labingwalong libo ang mga kabataang nasa ilalim ng edad labingdalawa.
Si G Leandro Lopez, isang tagapagsalita sa Tagalog na komunidad at kinatawan ng DHS, ay ipinaalam sa SBS Filipino ang karagdagang impormasyon hinggil sa problemang ito at ang mga serbisyo na nakahandang ibigay sa mga kabataang nasa panganib ng kawalan ng matitirhan o mga kabataang walang tahanan.
Ang mga pang-aabuso sa tahanan, na tumutukoy sa karahasan sa pamilya, emosyonal at sekswal na pang-aabuso, ang isa sa pinakamataas na ulat na dahilan ng kawalan ng tahanan ng mga kabataan.
Tinutugunan ng DHS ang mga kasong ito sa pamamagitan ng pag-uugnay sa kanila sa ikatlong partido tulad ng mga ‘social workers’ at ‘community engagement officers’.
Nilinaw naman ni G Lopez na mayroon silang malawak na serbisyo at hindi lamang limitado sa mga nabiktima ng mga karahasan sa tahanan. Ito ay nangangahulugan na kahit na sinong bata na humaharap sa mga pagsubok ay maaaring humingi ng tulong sa kanilang organisasyon.
Libre ang mga serbisyong ibinibigay ng DHS.
Madali ring maaabot o kumonekta sa DHS para sa mga kabataang nasa panganib ng kawalan ng matitirhan o sa mga kabataang walang tahanan. Maaari silang tumawag sa 132-850, bisitahin ang website na www.humanservices.gov.au o magtungo sa isa sa kanilang ‘service centers’.
Maari mo ring puntahan ang ‘link’ na ito para malaman ang iba pa nilang serbisyo.

Mr Leandro Lopez, a 'Tagalog' speaker and representative from the Department of Human Services Source: Department of Human Services - Media