Highlights
- Kasalukuyang ipanapatupad ang mas mahigpit na coronavirus restrictions sa Melbourne
- Isa lamang si Bebs na nagtratrabaho sa hospitality industry sa mga naapektuhan
- Nahihirapan man si Bebs, pabor naman siya sa mahigpit na lockdown
Isang taon pa lang sa Melbourne si Geneveve Ballon o Bebs pero maraming pagsubok na ang kanyang kinakaharap.
Idagdag pa ang mas mahigpit na lockdown measures sa syudad.
“Nagcocountdown ka na para matapos yung 6 weeks tapos additional 6 weeks na naman. Pinatikim lang ako ng 1 month tapos back to lockdown ulit.”
Sa panahong ito, pinaka-apektado ang kanyang trabaho sa restaurant.
“Nagwo-work ako as a waitstaff sa Mama Lor, full-time dapat kaya lang since lockdown totally wala akong roster ngayon.”
“Buti na lang may isa pa akong part-time sa hospitality rin, Kebab shop sya. All-around ako, kaya lang since nag-lockdown ulit, ako na lang ang nagwo-work. Totally nag-reduce talaga sila ng staff.”
“Usually three days lang ang pasok ko, either half-day ako or pang-umaga o panghapon ang shift ko.”
Mula sa dine-in na nauwi na lang sa take away, mababawasan pa ang oras ng pabubukas ng kanilang kebab shop dahil na rin sa ipinapatupad na curfew mula alas otso ng gabi hanggang alas singko ng umaga.
“Super affected sila kasi dati ang closing time namin is 9:30pm ngayon hanggang 8pm or 7:30pm.”
“Medyo quiet ngayon sa kebab shop kasi puro mga delivery. Ang orders dumadating through Uber Eats, Menulog kasi hindi na pwede mag-dine-in.”
Hirap sa pagcommute
Dahil na rin sa curfew, pahirapan na din kay Bebs sa pagcocommute pauwi kapag ginagabi sa trabaho.
“Noong nag-start ang curfew, may pagbabago na sa timetable nila. Luckily may bus pa naman akong naabutan.”
“Pag di nakakaabot, kailangan ko mag-take ng Didi. Sa pamasahe pa lang, malaki na ang difference.”
Kung mag-train ako, $3 per day lang kasi naka-concession ako. Kumbaga yung $25 na fare sa Didi, pang one month ko na sana.
Kasabay ng lumalaking gastos ang patuloy na bayarin niya sa tuition fee at renta kaya iba’t ibang paraan na ng pagtitipid ang kanyang ginagawa.
“Minsan pag nag-grocery, good for 3 weeks na. Luto lang sa bahay. Kailangan magtipid kasi limited lang ang budget ko.’’
'Tiis-tiis muna'
Sa kabila nito, sang-ayon naman si Bebs sa mga ginagawang paraan ng pamahalaan para mapigil ang pagkalat ng virus.
“Pabor sakin yung ginagawang paghihigpit ng gobyerno. Kung ito lang ang paraan para makontrol yung virus, tiis-tiis muna.“
Mahirap mn ang kasalukuyang sitwasyon, nanatiling positibo ng kanyang pananaw na malalampasan din ng lahat ang krisis sa pandemya.