“Noong una hindi namin alam. Pero nag-investigate kami kasi hindi naman kami gumagamit ng heater masyado ng asawa ko,” kwento ni Nelly Bonilla.
Nalaman ni Nelly na tumaas pala ang kanilang bayarin sa kuryente dahil buong araw ginagamit ng kanilang housemate ang kanyang standalone heater at bed heater.
Highlights
- Malakas sa kuryente at gas ang heater. Imbis na gumamit ng heater, gumamit na lamang ng mas makapal na kumot at damit.
- Ang pagkonsumo ng kuryente't gas kapag tag-lamig ay ang pagbalanse ng pag-aalaga sa iyong kalusugan at pag-iingat sa paggastos.
- Ang pagpalit ng energy provider ay maaaring maghatid sa iyo ng rebates at discounts.
Isa lang si Nelly sa marami pang consumer na nakakaranas ng bill shock o nakakagulat na taas ng singil sa kuryente lalo na sa panahon ng tag-lamig.
Bagay na iniiwasan ng international student na si Bane Agbon. Dahil limitado ang budget, para-paraan para mabawasan ang konsumo ng kuryente sa boarding house.
“Hindi kami maabuso sa paggamit ng kuryente. Kasi alam namin na ang repercussion noon, kami rin ang magbabayad ng malaki.”
“Pati yung heater, hangga’t kaya ng katawan ang lamig, tiis lang. Pero kapag hindi na kaya, tsaka lang namin gagamitin ang heater.”
Aminado si Bane na hirap din siya kapag malamig. Ang mga solusyon niya dito ay ang pamamalagi sa heated na library sa paaralan, ang pagsuot ng makakapal na damit sa bahay, at ang paggamit ng makapal na doona at electric blanket.
“Suki kami ng mga op-shop kasi naghahanap kami ng mga murang jacket.At noong nagtatapos ako ng assessment. Pumupunta ako sa uni at nandoon ako buong araw kasi may heater naman sa library. Malaking tipid din yon.”
Sa gaya ni Nelly na batikan na sa pagtitipid, nakatulong kahit paano ang pagpapalit ng energy provider dahil sa laki ng diskwentong natanggap sa bill.
"Yung last year namin, parang sobra talaga yung charge nila. So lumipat kami sa ibang provider, tapos may rebate silang binibigay."
BASAHIN / PAKINGGAN DIN





