Natanggap sa kanyang inaplayang trabaho si Keagan Nicotra bilang security officer kaya laking saya nito dahil unti-unti nang gumaganda ang takbo ng kanyang buhay.
Pero panandalian lang pala dahil nagkapandemya.
Highlights
- Ayon kay Australian Council of Social Service chief executive Dr Cassandra Goldie, umaabot sa 400,000 pamilya sa buong Australia ang nangangailangan ng abot-kayang bahay na matutuluyan.
- Federal Housing minister dumepensa na higit 9 bilyong dolyar ang ginagastos ng gobyerno para sa pabahay kada taon.
- Nanindigan si Michael Sukkar pangunahing responsibilidad ng bawat gobyerno ng estado at teritoryo na tugunan ang pangangailangan ng mga residente sa pabahay para hindi ito sa kalsada matulog.
"Mahirap dahil nagkaron ako ng isang shift mula noong maglockdown noong Marso 2020,“ masakit na kwento ni Keagan.
Kaya pahirapan ang pagbayad sa renta ng kanyang bahay na itnutuluyan.
"Dahil dun halus wala akong makakain. Dalawang araw na akong walang kinakain.”
Dagdag pa nito hindi pa disente ang narerentahang bahay.
"Sira na ang tiles, kaya nasugatan ako sa paa. Sira din ang kubeta, ang dingding ng shower parang matutumba na .”
Ang bente-nuebe anyos na si Keagan ay hindi nag-iisa.
Dahil lumalabas sa ginawang pag-aaral ni Professor Hal Pawson, mula sa New South Wales dahil sa pandemya, nararanasan ng estado ang kakulangan ng abot-kayang bahay na ma-uupahan ng mga residente.
"Ang renta ng bahay dito sa Australia ay biglang pumalo sa pinakamataas na presyo nitong taon.”
At ito ang tinaguriang pinakamataas na biglang pag-palo ng renta sa nakaraang labing tatlong taon.
Sa ngayong umaabot sa 22 percent ang increase ng renta ng bahay mula noong nakaraang taon. Kabilang sa mga naapektuhan ng biglang pagpalo ng presyo ng renta ay mga naninirahan sa regional areas ng bansa pati ang mga naninirahan sa labas ng Sydney at Melbourne.
Dahil dito, nanawagan si Captian Stuart Glover ng Salvation Army na tutukan ng gobyerno na punduhan ang paggawa ng humigit kumulang 20,000 na bagong pabahay, taasan ng 50 porsyento ang rental assistance sa mga residente na may low income at gumawa ng bagong investment incentive para makagawa ng abot kayang pabahay o housing.
“Ang Sustainable, segurado at ligtas na pabahay ang isa sa mga problema na dinadaing sa amin at isipin natin mga tao ito hindi hayop, na kailangan nila ng matutuluyan araw-araw.”
Sabi ni Australian Council of Social Service chief executive Dr Cassandra Goldie, umaabot sa 400,000 pamilya sa buong Australia ang nangangailangan ng disente at abot-kayang bahay.
“Nakikita natin na maraming estado at teritoryo ang gumagawa ng paraan pero ngayon kailangan natin ang gobyero ng Australia ang gumawa ng aksyon sa problemang ito.”
Pero depensa ng Federal Housing minister, ginagawa ng gobyerno ang lahat para bigyan ng pabahay ang mga Australians. At umabot umano sa higit 9 bilyong dolyar ang ginagastos nito kada taon para sa pabahay, upang maiwasan na mapunta ang mga residente sa kalsada dahil sa walang matutuluyan.
Sa kabila nito, nanindigan si Michael Sukkar pangunahing responsibilidad ng gobyerno ng bawat estado at teritoryo na tugunan ang problema sa pabahay at tulungan ang mga residente nito para hindi mapunta at matulog sa mga lansangan.