Pakinggan ang audio
Umaaray na ang mga Australians sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gas at kuryente, at naramdaman na din ng paunti-unti ang domino effect sa presyo ng pangunahing bilihin.
Ramdam ito ng pitong taon ng Practice Manager sa isang dental clinic sa Victoria na si Sheryl Faustino.
Matapos biniyayaan ng tatlong anak parehong nagtatrabaho si Sheryl at asawa para matustusan ang pangangailangan at mabigyan din ng magandang buhay.
Highlights
- Ang ipinataw na parusa sa Russia ay isa sa dahilan ng pagsipa ng presyo ng gas at kuryente
- Australia ay tinaguriang isa sa pinamalaking supplier ng natural gas sa buong mundo, subalit karamihan sa supply na ito ay ibinebenta sa ibang bansa
- Mga Pinoy may sariling mga diskarte para makatipid

Sheryl Faustino and family in Australia Source: Sheryl Faustino
"Ngayong winter ang heater, 22 degrees lang at hindi 24 hours. Sa pagbu-budget binibili ko ang seasonal food at fruits at sa dairy products imbes na cut chicken, binibili ko ang whole at most of the time home cooking ako."
Samantala natutong magbudget na din sa murang edad ang international student na si Arden Castro mula Sydney, dahil ramdam nito ang pagmahal ng mga bilihin.
Automotive mechanic ang kurso nito at dahil may konting kamahalan ang kanyang tuition kailangang kumayod ng husto. Kaya pinagsasabay ang dalawang trabaho sa gabi, may trabaho ito sa warehouse at sa isang pagawaan ng sikat na donut.
" Ang $50 dati isang linggo na ngayong 2 araw na lang. Kaya ginagawa ko yong dalawang trabaho mabigat kasi ang tuition at renta sa bahay. Limitado din yong gala at pagkain sa labas."
Dagdag nito dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng bilihin habang halus nakapako naman ang sweldo, apektado ang pagpapadala sa kanilang mahal sa buhay sa Pilipinas.
"Nakapagpadala pa din kaya lang nabawasan ng 20% yong pinapadala, hindi gaya ng dati agad-agad nagpapadala at mas malaki pa."
Aminado ang estudyanteng si Arden kung nagpapadala sya ay kulang na.

Arden Castro in Australia Source: Arden Castro
" Minsan kahit gusto kong kumain sa labas, hindi na lang dahil iniisip ko na ipadala na lang sa Pilipinas, sabi ko nalang kapag kulang ang naipapadala pasensya muna."
Ayon kay Cassandra Goldie chief executive officer ng Australian Council of Social Service ang pagtaas ng singil sa kuryente ay dagdag sa pasanin ng mga residente.
"Para sa mga taong may maliit na kita talagang mahirap, lalo't tumataas na ang singil sa kuryente, renta at pagkain at yon ay importante para sa isang tao para mabuhay kaya dapat kumilos agad ang gobyerno."
Subalit may magandang balita para sa mga low income earners o ang sahod ay nasa $20.33 bawat oras.
Humihingi kasi ngayon ang gobyerno sa Fair Work Commission na taasan ng 5.1 per cent o karagdagang one dollar kada oras, kung pagbibigyan aabot na sa $21.36 ang magiging sahod nila.
Paliwanag ni Federal Minister for Employment Tony Burke gusto ng gobyerno na walang maiiwan sa lahat ng manggagawa partikular na silang mga sumasahod ng mababa.
"Gusto ng gobyerno na lahat at aangat ang buhay lalo na sa mga low income earners. Lahat ay apektado ng krisis sa ekonomiya subalit ang mga manggagawang ito ang higit na apektado, wala silang ipon kaya hirap makakuha ng property."
Bagay na ikinatuwa ng working mum na si Sheryl at estudyante na si Arden.
"I'm very happy kung talagang ma-grant ito imagine ang living expenses tumataas pero ang salary hindi, kaya hindi balanse."
May isa pang hirit si Sheryl sa gobyerno .
"It's not only the minimum wage earner ang dapat taasan dapat lahat tayo itaas ang salary kasi we derseve it after the pandemic marami ang naghirap. We need money para mabuhay."
"It's a bit reward kung sakali, para may extra savings. Dahil nagtatrabaho ka maganda din na makabili ka ng gusto mo at may ipon din," masayang kwento ng estudyanteng si Arden.
Sa datos ng Australian Fair Pay Commission sa taong 2006 umaabot sa higit isang milyon ang nagtatrabaho sa Australia na sumasahod ng nasa minimum wage.
Pahabol na panawagan ni Sheryl, " sana i-pursue talaga ito ng government kasi marami ang taong giginhawa ang buhay especially nitong panahon ng pandemic marami ang naghihirap."








