11 taon na naging estudyante sa Sydney ang tubong-Nueva Ecija na si Rommel Mangulabnan bago pa man siya inisponsoran ng kanyang trabaho, hanggang sa maging permanent resident at ngayo'y mamamayan na ng Australia.
“Mahaba kasi renew nga lang kasi ako ng renew. Almost 15 years bago ako nakapag-apply para sa citizenship. Mahaba lang talaga ‘yung proseso pero may paraan, hindi naman imposible," pagbabalik-tanaw niya.
Highlight
- Sa taong 2019, tinatayang mahigit 950,000 na mga international student ang naka-enrol sa Australia sa ilalim ng student visa.
- Maraming estudyante ang tinitignan sa pag-aaral sa Australia bilang daan para pangmatagalang manirahan sa bansa.
- Para sa dating international student at ngayo'y Australian citizen, hindi madali ang proseso para maabot ang pangarap na citizenship, pero may mga paraan.
Huwag mawalan ng pag-asa
Iba't ibang kurso kinuha at tinapos ni G. Mangulabnan - mula IT, business management, marketing, accounting cookery at maging painting and decorating.
"Parang imposible kasi sa mahabang panahon parang walang nangyayari. Pero unti-unti dumating din 'yung opportunity," kwento niya.
Pinalad siya na matapos ng mahigit isang dekada ng pag-aaral, nagawa siyang isponsoran ng kanyang pinagta-trabahuan na kumpanya ng pagpipintura.
"Du'n sa huling apply ko ng student visa, ang tagal kong naka-bridging visa, halos 6 months," lahad niya.
"Nagkataon naman na ‘yung dati kong pinag-ta-trabahuan, kinuha niya ako ulit para mag-trabaho. Kinausap ko siya, pumayag naman siya na isponsoran ako para sa working visa. Na-approve naman ‘yung working visa," masaya niyang ibinahagi.

Rommel finally got a working visa for his painting job as sponsored by his employer in 2015. Source: Supplied by R. Mangulabnan
Pagharap sa mga hamon
Batid ni Rommel Mangulabnan na hindi madali ang naging pakikipagsapalaran niya bilang estudyante sa Australia noong 2003.
Sa tala ng Department of Education, Skills and Employment ng Pamahalaang Australia, sa taong 2019, mayroong 956,773 international student na naka-enrol sa Australia sa ilalim ng student visa.
Tulad ng maraming mga nagpupunta sa Australia para mag-aral, hindi naging madali ang sitwasyon para kay Rommel.
“Mahabang panahon kasi renew nga lang kasi ako ng renew ng student visa."
"Maraming hamon bilang isang estudyante, bukod sa magastos eh malayo ka rin sa iyong pamilya."
Pero determinado siya na magtuluy-tuloy sa Australia.
Sa una pa lamang ay hangad na ng Computer Science graduate na makapag-trabaho at manirahan sa Australia.
"Noong una, naisip ko na mag-ipon tapos uuwi na lang ako pero paglipas ng mga taon, habang tumatagal mas gusto ko na na dito mag-stay."
Dagdag niya na "mas maganda ang buhay dito. Basta’t may trabaho ka, mabibili mo ang gusto, makakakain ka kahit saan mo gusto."

Mr. Mangulabnan's family first visited him in Sydney when he was still a student and eventually came back to permanently live with him when they received their permanent resident visa in 2017. Source: Supplied by R. Mangulabnan
Maabot mo rin ang iyong pangarap
"Ang pagiging student temporary lang ‘yan. Pwede ka siguro makapag-renew, mag-aral ulit. Pero hindi siya pangmatagalan," anang ngayo'y Australian citizen na.
Taong 2019 nang maaprubahan ang aplikasyon ni G. Mangulabnan kasama ng kanyang asawa at dalawang anak para maging mamamayan ng Australia.
"Tuwang-tuwa kami noon. Parang hindi rin ako makapaniwala noong una, from student to working to permanent resident hanggang sa maging citizen kami."
"Mahaba lang talaga ‘yung proseso pero may paraan, hindi naman imposible".
Para sa mga kasalukuyang international student sa Australia, ang payo niya "huwag kang susuko, tuluy-tuloy lang. Huwag mong isipin na hindi mo kaya."
"Gawin mo kung ano ‘yung magagawa mo, mag-trabaho ka ng mabuti. Mahirap man, isipin mo lagi na may paraan, eventually makukuha mo rin ‘yung pangarap mo.
BASAHIN DIN / PAKINGGAN
READ MORE

Pamumuhay sa ilalim ng bridging visa