Sa naging panayam ng Radio Station na 4CA kay Punong Ministro Scott Morrison, sinabi nitong maari nang magbukas ang Australia bago mag-Easter sa mga international tourist sakaling bumaba na ang bilang ng kaso ng COVID 19.
Pakinggan ang Audio:
Highlights
- Nakadepende rin ang pagbubukas sa abiso ng mga medical expert at pakikipagusap sa mga lider ng estado.
- Sa kasalukuyan, pinapayagan pa lang makapasok ng bansa ay ang mga citizen, permanent resident at immediate families nito. Gayundin ang mga international students at mga skilled workers.
- Ang banta pa ng panibagong Omicron subvariant ay pinangangambahan na humadlang sa patuloy na pagbubukas.
Ilan lang sina Jessa, Julius at Mel sa umaasang matutupad nga ang pagbubukas ng Australia sa mga susunod na buwan.
Taon-taon umuuwi ng Pilipinas si Jessa Vergara mula sa Melbourne pero dahil sa pandemya, mahigit dalawang taon na niyang hindi nakikita at nakakapiling ang pamilya.
Bagaman may partner siya dito, walang kamag-anak si Jessa at inaasam asam niyang mayakap ang mga kapatid lalo na’t pumanaw kamakailan ang kanilang ina.
Nabuhayan naman ng loob si Julius Carangian mula sa Pilipinas sa naging pahayag nang Punong Ministro dahil nais na nitong mabisita ang girlfriend sa Sydney.

March 2019 when Jessa Vergara last visited the Philippines. Source: Jessa Vergara
Apat na taon nang magkasintahan sina Julius at Leane. Sinuportahan ni Julius ang kagustuhan ng dalaga na makapag-aral sa Australia. Ang plano sana nitong pagbisita sa Sydney ay naunsyami dahil sa pandemya.
Maging si Mel Perez mula sa Pilipinas ay hindi pa kumpyansa sa anunsyo gayunpaman magpapasa na din siya ng aplikasyon ng tourist visa kasama ng kanyang ina upang mabisita ang Tiyahin sa Queensland.

Julius with her girlfriend of 4 years, Leane. Source: Julius Carangian
Una nang nakabisita ang mag-ina sa Noosa, Queensland noong 2019 ng dalawang beses. Una ay noong Pebrero hanggang mayo at Agosto hanggang Nobyembre dahil na rin sa multiple entry visa.
Babalik na sana noong 2020 at 2021 ngunit inabutan na ng lockdown at pagsasara ng border.

Mel with her mother, aunt and relatives in Queensland Source: Mel Perez