Inaasahang dadalo ang nasa 300-400 katao para sa pagdiriwang ng Flores de Mayo sa bahagi ng Waitara, hilaga ng Sydney nitong darating na Linggo, ika-9 ng Mayo.
"This year, we want our celebration to be a little bit bigger because this year is the 500th year of Christianity in the Philippines," paglalahad ni Deacon Roberto Corpuz mula sa Broken Bay Parish.
Highlight
- Matatag ang pagkapit ng maraming mga Pilipino sa kanilang pananampalataya, magkakaiba man ang kanilang paniniwala.
- Sa 10-milyong Pilipino ang naninirahan o nagta-trabaho sa labas ng Pilipinas, simbahan ang madalas na unang pinupuntahan ng mga ito.
- Tuwing Flores de Mayo, kabi-kabilang mga sagala at Santacruzan ang ginagawa, tulad na lamang ng ilang komunidad Pilipino dito sa NSW.
Makulay na Santacruzan
Bukod sa magaganap na pagdiriwang ng Flores de Mayo sa Waitara, ilang grupo din ng mga Pilipino sa kanlurang Sydney ay nagsagawa din kanilang Santacruzan.
Sa bahagi ng Rosemeadow, NSW, sa unang Mayflower Festival na ginawa ng grupong Lakas Filipina Inc, nakibahagi sa makulay na Santacruzan ang ilang miyembro ng komunidad Pilipino.
Tampok sa naging sagala ang ilang mga dilag, mga binata at mga bata na nakadamit ng reyna o prinsesa bilang pagkilala sa Inang Maria na sinasabi na malaki sa ginagampanang papel sa pananampalatayang Katoliko.
May ginawa ding prusisyon sa bahagi ng Penrith para kilalanin din ang kahalagahan ng Flores de Mayo para sa mga Pilipino.

'Queen Helena' and her consorts at the May Flower Festival celebration of the Filipino community in Rosemeadow as organised by Lakas Filipina Inc. on May 1. Source: Lakas Filipina Inc.
"Malaki ang debosyon ng mga Pilipino sa Inang Maria at dahil ang buwan ng Mayo ang buwan ni Mama Mary, at tuwing buwan ng mga bulaklak, kadalasan sa Pilipinas, maraming mga bulaklak na pwedeng pitasin sa ating mga hardin," paliwang ni Deacon Corpuz.
Ang Santacruzan ay isang relihiyosong kaugalian na nagsimula noong kalagitnaan ng 1800 sa Pilipinas at unang ginanap sa Malolos, Bulacan bilang paggalang kay Queen Helena of Constantinople at kanyang anak na si Constantine the Great.
Matatag na pananampalataya
Nasa 10-milyong mga Pilipino ang nagta-trabaho o naninirahan sa nasa 160 na bansa sa mundo. Simbahan ang madalas na puntahan ng mga Pilipino lalo na kung sila'y bago pa lamang sa lugar,
"Hindi natin maiwan-iwan ang ating pananampalataya."
"Kapag pumunta ka sa ibang bansa at gusto mong makakilala o makakita ng kapwa Pilipino, pumunta ka sa simbahan, meron at merong Pilipino doon sa simbahan na nagsisimba o tumutulong sa simbahan o kumakanta sa choir," ani ni G Corpuz.
"That is how we show our faith. We demonstrate, we witness our faith. At nanggaling ‘yan sa ating mga ninuno 500 years ago so gusto nating itaguyod ‘yung ating pananampalataya."
BASAHIN DIN / PAKINGGAN