Mula sa datos ng ACCC, nasa $2 billion na ang nawawala sa mga Australian dahil sa panloloko nitong 2021 , base sa report ng Scamwatch, ReportCyber, 12 financial institutions at ilang government agencies. Tinatayang mas malaki pa ang aktuwal na halaga dahil hindi lahat ay nairereport sa awtoridad.
Ayon kay James Roberts, General Manager of Group Fraud Management Services ng Commonwealth bank of Australia, ginagamit din ng mga scammers ang pandemic bilang oportunidad para makapanloko.
Highlights
- Isa ang Australia sa may pinaka maraming kaso ng scam na naitatala sa buong mundo.
- Ayon sa datos ng Scamwatch, $158million na ang na-scam sa mga tao sa loob lang ng limang buwan pagpasok ng 2022.
- Naglunsad ang CBA ng bagong Artificial Intelligence technology para protektahan ang mga customer sa paggamit ng digital banking
Pinaka maraming nagantso ang investment scams kung saan hinihikayat ng nagpapanggap na kumpanya ang mga tao na maginvest ng pera para sa malaking returns o kita. Karaniwan ay gumagamit ng cryptocurrency trading, bitcoin, at corporate bonds.
Ang ilan sa mga ito ay gumagamit pa ng pekeng celebrity endorsements para magmukhang lehitimo.
Nagiging mas tuso na ang mga manloloko kaya’t nais ng mga bangko na tapatan ito ng mas ligtas na teknolohiyang porprotekta sa mga pinaghirapang pera ng customers.
Isa sa mga hakbang na ginagawa ng CBA, ayon kay James Roberts ay ang pagkakaroon ng bagong Artificial Intelligence technology or AI na tumutukoy kung may nagbago sa karaniwang transaksyon ng isang customer or may mga kahina-hinalang aktibidad sa account nito.
Nagdagdag na rin ang bangko ng tao sa kanilang scam prevention team.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagbibigay nila ng paalala at kaalaman sa mga mamamayan lalo sa mga online transactions. Giit nila, hindi magpapadala ng SMS o email ang bangko na hihingi ng kanilang personal na detalye.
Sakaling may matanggap, huwag basta pindutin ang link sa mga SMS o email. Huwag rin kaagad magreply.
Kung ito ay tawag o phone call, maging mahinahon at huwag magbigay ng mga personal na impormasyon.
Kung tingin mo ay may hindi tama sa nangyayaring transaksyon, kaagad tawagan ang inyong bangko or financial institutions para maverify kung lehitimo ito.
Maari din tumawag sa contact IDCARE 1800 595 160 para magabayan sa dapat gawin o magreport sa scam watch
BASAHIN AT PAKINGGAN: