Highlights
- Target ng mga scammer ngayong magpa-Pasko ang mga madalas mag-online shopping at naghihintay ng parcel delivery
- Gumamit ng pekeng website at nagpanggap na opisyal ng bangko ang scammer na nanloko kay Renato
- Kailangan ipagbigay alam agad sa bangko o financial institution ang mga kahina-hinalang transaksyon para makaiwas sa mga manloloko
“Kasi mura sa online, mahilig ako magbibili ng kung ano ano.. Naghahanap ako ng machine, at nung time na yun may nakita ako pero wala pa akong cash pambili.
Usually 4,000 yun mabibili sa shops. Pero may nakita ako 1,300 lang online, tapos may Afterpay pa. So pagka-click ko, nagapply ako Afterpay. Wala namang dumating sakin na email. Walang kinuhang pangalan. Sabi ko bakit walang pangalan o address na kinuha pano idedeliver?”
Puno nang pagsisi si Renato Cunanan, isang Pinoy tradie sa Gold Coast matapos maloko ng scammers online at makuha ang mahigit $2,000 niya sa bangko.
Listen to the podcast
Aminado siyang laging nakatutok at naghahanap ng mga produktong nabibili online gaya ng tools para sa kanyang trabaho, gamit sa fishing at marami pang iba.
Kinabukasan ay may tumawag kay renato na nagpakilalang empleyado ng bangko at sinabihan siyang biktima umano siya ng scam sa ginawa niyang pag-order.
Minadali siyang sundin ang mga instruction para anya’y ma-kansela agad ang pag-transfer ng pera.
Tuliro at nataranta… sinunod ni renato ang mga pinagawa sa kanya.
“May pinabukas sakin apps, click access, tapos pagbukas ko ng apps, nakikita na niya sa cellphone ko na parang nagmirror na. Tapos sabi niya pumunta ka sa ganito. Open mo bank mo, tiningnan ko sabi ko wala naman bawas account ko paanong na-transfer?
Nasa trabaho ako nun sabi ko pwede ba tumawag ka mamaya kasi andyan na supervisor ko baka mapagalitan ako. Sabi niya hindi pag ipinagpaliban mo ito baka mamaya wala nayung pera mo. So sabi ko, sige ituloy na natin. binigay ko card ko, yung number details at pati yung CVV code sa likod.”
Matapos ang usapan at nang pauwi na ng bahay, dito na tila nahimasmasan si Renato. Namuo na ang duda sa kanyang isipan nang balikan ang tawag lalo na’t inaalok siya ng trabaho at binebentahan pa ng ibang bagay.
“Nagduda na ako habang nagda-drive ako napaisip ako. Bebentahan pa daw niya ako ng machine at bakit niya ako inooferan ng trabaho kung nagtatrabahao siya sa bangko?
Pagopen ko ng bangko ko ita-transfer ko sa isang bank account ko. Wala ng laman. Pero nandun pa din pera ko pero nakalagay na pending, eh di tinawag ko agad sa bangko. Nagrequest ako ng dispute sabi under investigation daw… yung pera naman daw mare-refund sakin.”
Pinalitan na rin ng kanyang bangko ang gamit na card ni Renato. Sinubukan niyang tawagan ang numero ng scammer ngunit walang sumasagot. Hindi na rin niya matandaan ang website dahil nakita lang niya ito sa isang search engine at agad nag-click.
Mataas na kaso ng online scam
Tinatayang aabot ng $13million ang natangay sa mga Australian dahil sa mga scam sa online shopping base sa tala ng Australian Competition and Consumer commission o ACCC ngayong taon.
Umabot sa 26,000 report ng online scam ang natanggap ng Scamwatch service ng organisasyon na doble ang bilang kumpara noong 2020.

Australians have already lost about $12.9 million to online shopping including classifieds scams so far this year Source: Getty Images
Anong mga dapat gawin kung mabiktima ka
Ayon sa Deputy Chair ng grupo na si Delia Rickard, alamin ang inyong karapatan bilang konsyumer at masusing siguruhin na lehitimo ang produktong bibilhin online.
"Do a Google search to see out what others have had to say about them - I find that's the best way to identify whether or not something is a scam. Look at the price, ask yourself even in sales times 'is this too good to be true?'
And look at how they are asking you to pay. Often they will move you on to an email conversation and ask you to pay via a bank transfer rather than via a credit card or Paypal, which is the normal way of paying.”
Dagdag ng grupo, ang mga scammer ay gagawa nang makatotohanang pekeng online store na may napakalaking discount sa mga produkto. Bukod sa iba’t ibang social media page, nagpapakalat din ng advertisement sa mga lehitimong website.
Gawain ng mga scammer na humingi ng bayad o magbibigay ng discount sa mga payment transaction gamit ang direct bank transfers o cryptocurrency.
May mga nagsasamantala din sa mga online shopper na naka-abang sa delivery kaya ginagamit ang australia post na magpapadala ng email na kailangan mong i-click at dito ay hihingan ka muli ng bayad o kukunin ang iyong bank details.
Kung ikaw ay naghihintay sa pagdating ng inorder mo online, tandaan, ang Australia Post at iba pang parcel delivery companies ay hindi magpapadala ng email, tawag o text na nanghihingi ng personal na impormasyon o bayad.
Marami sa kanila ay may apps para ma-track ang iyong order kaya wag basta mag click ng link mula sa kahina-hinalang sender.
Sa mga biktima, kaagad tumawag sa inyong bangko o financial institution at ipagbigay alam sa awtoridad ang insidente ng panloloko.