Isang buwan nang walang naitatalang community case ng coronavirus sa NSW kasabay ang pagdating ng unang batch ng Pfizer vaccine na ipapamahagi sa quarantine workers at frontliners sa bansa.
Sa kabila ng magagandang balita, nanawagan ang NSW Health sa mga mamamayan na ipagpatuloy ang pagpapa-test sa COVID-19.
Ayon kay Jesusa Helaratne, Deputy Director ng NSW Multicultural Health Communication Service, umabot ng higit 15,000 test ang kanilang natatanggap nitong Linggo pero bahagyang bumaba sa higit 12,000 nitong Lunes.
"Bagaman mataas ang mga numero na ito, ang gusto natin ay mas tumaas pa ito. Ang mahalaga kasi ay hindi natin ma-miss ang mga cases na nadyan sa ating komunidad."
Sa pamamagitan ng swab test at pagrerehistro sa mga pinupuntahang establisyemento, madaling natutukoy ng mga contact tracers ang posibleng pagkakaroon ng outbreak sa isang lugar. Pero hindi ito magiging madali kung hindi makikipag tulungan ang bawat isa.
Maraming residente mula sa multi-cultural communities ang nagdadalwang isip magpa-test dahil sa takot na masisi kapag nagkaroon ng outbreak. Ang iba naman ay nag-aalala sa gastos.
Iginiit ng NSW Health na libre ang COVID-19 test para sa lahat. Hindi rin umano dapat matakot sakaling magkaroon ng positive test result dahil mabilis itong inaaksyunan. Ginagabayan din nila ang bawat pasyente para maiwasan ang pagka-hawa ng mas maraming tao.
"If you've been tested with coronavirus, it's nobody's fault. It's just a case that needs to be found para maging safe ang community"
Patuloy din ang pagbibigay nila ng impormasyon sa mga komunidad gamit ang iba't ibang wika sa kanilang website at social media.
Naka-alalay din umano ang NSW Health sa mga programa ng pamahalaan kaugnay ng vaccine rollout.