Tumataas ang kumpiyansa ni Prime Minister Scott Morrison na maagang magbubukas ang international borders ng Australia kapag nakumpleto ang COVID-19 vaccine rollout sa bansa.
“What I've always been confident about is taking one step at a time when it comes to managing the virus. I'm confident that as we move through the vaccination process, we can significantly change how things are done here in Australia”
Pag-asa ang hatid nito sa maraming temporary visa holders at international students na naantala ang pag-aaral at trabaho dahil sa mahigpit na border closures.
Sa datos ng Department of Education, Skills and Employment, mayroong higit 684,000 international students na nag-enrol sa Australia sa kasagsagan ng pandemic noong 2020.
Pinakamaraming estudyante ay mula sa China, India at Nepal.
Pang-siyam (rank 9) naman ang Pilipinas na may 17, 287 student visa holders. Pero hindi lahat ay nasa Australia dahil sa umiiral na border lockdown. Nagpapatuloy ang ilan sa pag-aaral habang nasa Pilipinas sa pamamagitan ng remote learning.
Ayon pa kay Ginoong Morisson, hindi lamang sa Australia nakasalalay ang muling pagbubukas sa international travels. Dapat din umanong maging matagumpay ang vaccination program ng iba’t ibang bansa para maisakatuparan ito.
Para sa maraming mamamayan, migrante at negosyante, ang vaccine ang pinakamabisang paraan para matapos na ang pandemya.
Inaasahang magkakaroon ng pagbabago sa mga travel restrictions habang nagpapatuloy ang vaccine rollout sa buong mundo.