Highlights
- $25.41 kada oras ang magiging minimum wage ng farm workers sakaling maipatupad ang hinaing apela ng Australian Workers Union sa Fair Work Commision.
- Apektado ang horticultural industry ng pandemya at pagsasara ng international borders at nagkakaroon ng malaking kakulangan sa farm workers
- Bibigyan ng pagkakataon na umapela ang mga may ari farm sa desisyon hanggang huling linggo ng Nobyembre.
Dalawampu’t walong taon nang nagtatrabaho sa strawberry farm si Norivic Kent sa Caboolture, Queensland. Dito na niya napag-aral ang kanyang mga anak katuwang ang asawa ng nagtatrabaho naman sa plant nursery.
Naging saksi si Norivic sa hirap na dinadanas ng mga farm workers sa dalawang dekada niyang pagtatrabaho sa iba’t ibang farm. Maswerte anya siya at ngayon ay direct hire na siya sa mismong farmer kung saan per oras na ang bayad sa kanya. Pero suma-sideline pa din siya sa ibang farm na per piraso ang bayaran.
Kaya naman magandang balita sa kanya ang unang hakbang para magkaroon ng minimum wage ang mga farm worker.
Sa buod ng desisyon na inilabas ng Fair Work Commission, marami ang hindi tumutupad at nang-aabuso sa hindi pagbabayad ng tama sa mga manggagawa sa horticulture industry lalo na ang mga may hawak ng Working Holiday visa.
"Marami kasing mga farm workers ay sumasahod lang batay sa kung ilan ang bilang ng mga prutas o gulay na mapipitas halimbawa, kung per bucket o batay sa timbang."
"Dahil dito, maraming employers ang sinasamantala o minamanipula yung ganitong sistema para bayaran yung kanilang manggagawa na mababa sa Australian minimum wage."
"Dahil sa balitang ito, hindi na maaring bayaran ang ating mga farm workers na mababa sa horticulture award o casual rate. At pagkakaroon ng minimum wage ay makakatulong madaling maunawaan ng mga farm workers kung sila ay nababayaran ng tama. " pahayag ni Florence Dato, Multicultural Safety Ambassador ng Migrant Workers Centre
Sasailalim pa sa review ang Horticulture award na ito para sa huling desisyon ng Fair Work Commission bago ipatupad ang garantisadong minimum wage sa pagtatapos ng Disyembre o simula ng Enero 2022
Bagaman may mga grupong kontra sa pagpapatupad ng garantisadong minimum wage gaya ng National Farmers Federation (NFF), Australian Industry Group at Australian Fresh Produce Alliance, positibo si Florence at ang mga union groups mula sa unang hakbang na ito hanggang sa magtagumpay para sa kapakanan ng mga manggagawa.