Key Points
- Si Emely Barbato ang kasalukuyang nangunguna sa mga pagdiriwang kasama ng mga Filipino sa Newman at itinataguyod nito ang The Filipino Association of Newman.
- Welder, mekaniko, driver, at chef ilan lang sa mga in demand na trabaho sa lugar.
- Para manatiling konektado, gumawa ang mga kababaihan ng chat group, dito rin sila nagbebenta ng mga pagkaing Pinoy at nagbibigay ng update para sa mga pagtitipon.
Ayon kay Emely Barbato ang overseer sa grupong The Filipino Association of Newman, kulang-kulang 300 ang mga Pinoy na naninirahan sa Newman.
Taun-taon nadadagdagan ito lalo't mas lumalaki ang industriya ng minahan sa lugar.
Ayon sa ulat ang Australia ang pinakamalaking producer ng iron ore sa buong mundo na umabot sa 944.1 milyong tonelada noong 2022.
At ang Western Australia ang pangunahing pinagmumulan nito, na nag-aambag ng 98.9% ng kabuuang produksyon ng iron ore, kaya bilyon-bilyong dolyar ang naaambag nito sa kaban ng Australia.
Sa pahayag din ng Australian Bureau of Statistics ang pagmimina ang may pinakamataas na sahod sa lahat ng industriya sa Australia—aabot sa 61 porsyento na mas mataas kumpara sa karaniwang kita sa bansa.
"I won't say maraming pera dito, I wont say walang pera dito but it's all about how you handle your money kapag marunong kang maghandle marami kang maipon na pera," kwento ni Emely Barbato ang namumuno ng The Filipino Association of Newman.
Bukod sa taunang salu-salo ng mga kababayan sa lugar, ipinapakilala din ng mga nakakatanda ang ilang larong Pinoy at katutubong sayaw sa mga kabataan.







