Key Points
- Unang batch ng Philippine Carabao mango dumating na sa Australya.
- Durian, lanzones at dragon fruit mula Pilipinas planong isunod na ipasok at ibenta sa Australya.
- Para sa mga gustong bumili o mag-order ng mangga makipag-ugnayan sa tanggapan at social media ng DTI Sydney.

Masayang ipinakita ni Consul Commercial Alma Argayoso ng DTI Sydney kasama ang mga importers ang unang batch ng Carabao mango na mula Pilipinas noong Biyernes, ika-8 ng Setyembre taong 2023.
Ipapamahagi ito sa mga kababayang bumili online mula sa estado ng New South Wales, Queensland, Victoria at Western Australia, nagpakita din ng interes ang mga taga-South Australia.
Sa ngayong nagkakahalaga ang mga prutas mula $25 hanggang $40 kada kilo depende sa laki at dami ng pagbili.

Sold out na ang lahat ng mangga na dumating, subalit bukas ang tanggapan ng DTI Sydney para sa gustong mag-order para sa susunod na batch.
Maaari silang makipag-ugnayan sa website at social media ng DTI Sydney.

Umaasa naman si Consul Argayoso na patuloy ang buhos ng suporta ng mga Filipino sa produkto ng bansa. Ayon sa DTI Sydney at importer tinatayang magkakaroon ng susunod na shipment bago ang pasko at sa susunod na taon.
Sa pagdating ng Philippine Carabao mango sa Australia, umaasa ang gobyerno ng Pilipinas maging daan ito para maipasok din ang ibang produkto ng bansa hindi lang sa Australia pati sa buong mundo.
Maliban sa mangga, kabilang sa gustong i-export ng Pilipinas ang niyog, cacao, kape, saging, pinya at tuna, na tinaguriang pangunahing produkto ng bansa.






