Parehong maagang nagsimula sa beauty pageants ang mga anak nila Beth Lofthouse at Jhaine Estorque. Matrabaho man at kailangang laging nakabantay, pareho silang naging "all-out" para sa kanilang mga anak.
“Nag-start siya noong 4 years old sa pageant na tinatawag na Follow your dreams. The reason na isinali ko siya eh dahil napaka mahiyain niya, aloof siya sa mga tao lalo kung nasa labas kami," kwento ni Gng Lofthouse.
Highlight
- Anumang hamon kakayanin ng sinumang ina para sa kapakanan ng kanilang mga anak.
- Parehong maituturing na 'stage mums' sina Beth Lofthouse at Jhaine Estorque dahil sila ang nasa likod ng bawat rampa ng pareho nilang anak.
- Sa tuwing Mother's Day, naka-sentro ang ating pansin sa pagbibigay pugay sa lahat ng nanay at ang papel na kanilang ginagampanan sa mundo.
Beth Lofthouse: Matagal na nahiwalay sa kanyang nanay
Matagal na nawalay si Beth Lofthouse sa kanyang sarili ina bago sila muling nagkasama kaya ngayon na siya'y isa nang ina, ganoon na lamang ang kanyang suporta sa anak.
“Hindi ko gagawin na magkahiwalay kami ng pamilya ko," bigay-diin ni Beth Lofthouse.
Taong 2000 nang dumating sa Australia si Beth Lofthouse sa tulong ng kanyang ina na matagal na nawalay sa kanya at naninirahan na noon dito sa Sydney.
"Ini-sponsor ako ng nanay ko. Dito ko na rin nakilala ‘yung husband ko. Dito ako nagbagong buhay," pagbabalik-tanaw ng Ginang mula Sydney.
Sa una’y hindi naging madali ang lahat para kay Beth lalo na pagdating sa trabaho.
“Nag-start ako as a volunteer. Nag-volunteer muna ako sa St. Vincent’s charity as a merchandiser at saka cashier. Nag-volunteer din ako sa pag-data-entry. And then nag-start ako mag-trabaho sa hotel, ‘yun yung with pay na sa may Darling Harbour as a housekeeper.”
Bukod sa bagong buhay na kanyang hinaharap, malaking adjustment para sa kanya dahil muli niyang binubuo ang kanyang relasyon sa kanyang ina na matagal na hindi niya nakasama.
At nang magkaroon ng sariling anak, ipinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat para dito.
Very supportive si Ginang Lofthouse sa kanyang unica hija na si Chloe - sa pag-aaral nito, pagsali nito sa mga beauty pageant at iba't iba pang gawain sa komunidad.
"Oo, isa akong stage mum. Hindi lang ako ang nagsasabi kahit ‘yung ibang mothers. Sino pa ba ang magiging stage mum niya kundi ako. Saka for her own din naman ang ginagawa ko,” pagkumpirma ng ginang.
Sinusulit umano niya ang pagbibigay ng todong suporta sa anak dahil darating ang araw na makakaya na nitong magdesisyon para sa kanyang sarili.

Beth Lofthouse's now 7-year-old daughter, Chloe, strutting her beauty pageant titles Source: Left photo by Katherine Musgrave Studios; Right photo by Dave Choo as supplied by B Lofthouse
“Hanggang bata pa siya, susuportahan ko siya. Kasi you never know baka paglaki niya ayaw na niya ng ganito which is hindi ko na siya pipilitin. Pero sa ngayon nag-eenjoy ako para sa kanya. Nag-eenjoy kaming dalawa sa ginagawa naming pareho.”
Ngunit sa kabila ng abalang oras para sa anak, hindi naman nakakalimutan ni Beth na alagaan ang sarili.
“Meron naman akong me time like ‘pag nasa school siya. Minsan pag Sunday ‘pag gusto kong ako lang, nag-re-relax naman ako. Pumupunta akong nagpapa-massage. Nagpapa-nail polish. Minsan we also do getaways, yung kami lang ng husband ko.”

The Lofthouse when they went to the US for their daughter's pageant. Source: Supplied by B Lofthouse
Jhaine Estorque: Katuparan ng pangarap na maging isang ina
Inaasam-asam ni Jhaine Estorque na magkaroon ng anak na baby, kaya labis ang kanyang saya nang mabiyayaan sila ng anak, ang ngayo'y 6-na-taong-gulang na si Maria Hall.
"Dream come true talaga para sa aming mag-asawa kasi pareho naming gusto ng anak na babae. Tapos mahilig din akong mag-ayos kaya para kang may barbie doll," masayang lahad ng noo'y child care educator na si Jhaine.
Dahil na rin sa una at nag-iisang anak si Maria, tumigil sa kanyang trabaho si Gng Hall dahil nais niya mag-pokus sa pag-aalaga sa kanyang anak.
"Until 18 months lang naman. and then eventually, nag-work ako ng part-time," anang ngayo'y Telemarketing Executive.
Bagaman hindi masyadong nahirapan sa pag-aalaga sa anak dahil sanay na ito sa mga bata, ginamit ni Jhaine Estorque ang kanyang oras sa pag-aalaga sa anak ng paghahanap ng mga aktibidad na pareho nilang kinagiliwan na mag-ina.

Jhaine Estorque carrying her daughter, Maria, when she was a baby (left photo); Maria poses with one of her pageant titles and crowns (right photo) Source: Supplied by Jhaine Estorque and Arvind Singh Photography
"Nag-start talaga kami sa Instagram. Naging brand ambassador and representative ng ilang maliliit na negosyo."
Sa hilig ni Jhaine sa pagkuha ng litrato, siya ang madalas na kumukuha ng larawan ng kanyang anak para sa mga kailangang litrato para sa mga ka-kontratang maliliit na negosyo."
Apat na taong gulang si Maria nang unang isali ni Jhaine ang kanyang anak sa Little Miss Earth Australia. At iyon ang simula nang lalo pang pagiging abala ni Gng Hall sa kanyang anak dahil naging kabi-kabila ang mga sinasalihan nitong pageants at modelling.
"Gusto ko kasing makita na mag-boost 'yung self-confidence niya in the runway."
"Naging very fun na hobby kasi ang dami naming nami-meet na mga mums na may same passion tulad namin. Mas nadagdagan 'yung mga kaibigan namin."
Mapag-arugang 'stage mums'

Jhaine Estorque (seated, 3rd from right) with other 'mummygers' (a group of mummies in-charge of their kids pageant journey) as headed by modelling coach and mum Tootsie Aceron. Source: Tootsieroll
Pareho mang itinuturing nina Beth Lofthouse at Jhaine Estorque ang mga sarili bilang mga "stage mums", ginagawa umano nila ito upang magabayan ang kanilang mga anak sa tamang landas at mabigyan ng mga oportunidad habang mga bata pa ang mga anak.
"Sabi ko sa kanya (Maria), kung ayaw mo na, titigil na tayo (sa mga pageants at iba pang aktibidad)," ani Jhaine Estorque.
"kaya lang naman natin ito ginagawa dahil nag-eenjoy ang mga bata. And Just in case they want to pursue this as a part-time career, confident na siya in the run way," dagdag ng ina ni Maria.
Mother's Day "me-time"
Sang-ayon ang dalawang ginang na kahit na lagi silang abala sa kanilang mga anak, mahalaga pa rin na magkaroon sila ng oras sa kanilang mga sarili. At ang Mother’s Day ay magandang pagkakataon para mabigyan ng oras ang sarili.
"Minsan lang sa isang taon ito kaya sulitin na nating mga nanay," sambit ni Gng Lofthouse.
"For me, it's going for a walk or run because I get the best of both worlds by exercising and quiet time for myself. But the best me-time for me is retail therapy. And I end up buying for stuff for my daughter and I enjoy it really," masayang pahayag ni Jhaine Estorque.
May mensahe din sila sa mga katulad nilang stage mums. "Just be patient. Alam ko minsan mahirap maging stage mum pero 'pag nakita nyo na ‘yung achievement ng anak nyo, you will feel very happy," pahayag ni Beth Lofthouse.

'Me-time'. Jhaine Estorque and Beth Lofthouse on taking some time off for yourself. Source: Supplied by J Estorque & B Lofthouse
"You are all amazing for supporting the dreams and passion of your kids. Let's enjoy the kids while they are youg and continue to make great memories. But as a mum, we should know our boundaries and not forget that our kids are watching all the time. Let us not be too overbearing as stage mums," pagtatapos ni Gng Hall.
BASAHIN DIN/PAKINGGAN