Key Points
- Mula 2005, halos 200 tao na ang namatay habang nagrorockfishing sa Australia. Karamihan ay mula New South Wales.
- Ibinahagi ni Celestino Tamboong ang masayang karanasan sa kanyang libangan na rock fishing ganun din ang paraan para makaiwas sa hatid nitong panganib.
- Ang pagsusuot ng life jacket ay mahigpit nang ipinapatupad sa mga beach at rock fishing area na bahagi ng Rock Fishing Safety act.
Walang palya sa pagpunta sa dalampasigan ng Curl Curl beach sa Sydney ang 63 anyos na si Mang Tino o Celestino Tamboong para mamingwit.
Matapos ang mahabang araw sa trabaho bilang mekaniko, kanyang inihahanda ang fishing rod at mga gamit para mag rock fishing lalo na kapag weekend.
Bilang laki sa tabing dagat ng Bulalacao, Oriental Mindoro, ito na ang nakasanayang libangan ni Mang Tino. Kaya kahit napadpad na sya sa iba’t ibang bansa dahil sa trabaho, ito rin ang kanyang nakahiligang gawin.
At kasama ang mga kaibigan, iba’t ibang klaseng isda ang kanilang nahuhuli at naipapamigay. Madalas ay nagiging kumpetisyon din ang sukat ng mga isdang nabibingwit.
Sa kabila ng saya at thrill na dulot ng pamimingwit, alam ni Mang Tino ang hatid nitong panganib.
Katunayan kahit sya ay makailang beses nang muntikang matangay ng malalakas na alon sa gilid ng matarik at matatalim na bato noong baguhan pa lang sya.
Bukod sa kanya, may ilang tao na rin syang nakita na nagkaroon ng masamang karanasan sa pamimingwit. Kaya’t bilang beterano ngayon, isa sya sa mga humahasa at nagpapaalala sa mga bago sa hobby o libangan na ito ng mga dapat gawin.
Pangunahin dito ang pagsusuot ng life jacket, tamang damit at sapatos na akma sa rock fishing.
Mula 2005, halos 200 tao na ang namatay habang nagrorockfishing sa Australia. Karamihan ay mula New South Wales.
22 sa mga ito ay mula sa Randwick Council area, na itinuturing na deadliest coastline sa bansa para mag rock fishing.
Ang pagsusuot ng life jacket ay mahigpit nang ipinapatupad sa mga beach sa Randwick area kasama ang Little Bay – na bahagi ng Rock Fishing Safety act. Pero ang batas na ito ay hindi naipapatupad sa buong estado at buong bansa.
Para maging epektibo ang batas, kailangan munang mag apply ng council para maideklara ang kanilang lugar bilang rockfishing area.
Ayon kay Superintendent Joe McNulty ng NSW Police Marine area command na lahat ay dapat nagsusuot ng life jacket saan mang lugar nangingisda.
Ilan pa sa mga paalala ng mga awtoridad na huwag tangkaing sagipin ang mga gamit na natangay ng malakas na alon.
Palagi ring bantayan ang tubig dahil madalas ay hindi napapansin ang paparating na malalaking alon na maaring tumama sa batuhan na kinaroroonan.
Sa karanasan ni Mang Tino iniiwasan rin nila ang abutan ng dilim at masamang panahon sa batuhan. Mayroon mang kweba na masisilungan, ipinapayo nyang manatili sa mataas na lugar na hindi maaabot ng alon o hightide.
Ilan pang dagdag paalala na huwag tangkaing mag rock fishing mag-isa para may mahingan ng tulong sa oras na kailanganin.
Palaging ipaalam sa sinoman ang iyong kinaroroonan.
Kahit may life jacket, makakabuti rin kung marunong lumangoy para mas mabilis na mailigtas ang sarili sakaling matangay ng tubig.
Maari rin bisitahin ang mga rock fishing safety tips online ng mga estado o pakinggan ang mga binuong ulat ng SBS Australia Explained tungkol sa kaligtasan sa pagro-rock fishing.