Highlights
- Ang sensory play ay tumutulong sa mga bata para ma-improve ang kanilang social interaction, orientation sa texture, at bonding sa pamilya.
- Sa paggawa ng sensory play, gumagamit si Jessica ng food grade ingredients, para safe sa mga bata gaya ng oats, rice, coconut at flour.
- Dream job dahil masaya kasama ang mga bata at nakakatulong sa paghilom ng sugat na dala ng pagiging isang single mum.
Si Jessica ay 19 taong gulang lang nang makarating dito sa Australia kasama ang kanyang buong pamilya, nasubukan din nya ang maraming klase ng trabaho pero nang magka-anak, sinabi nya sa sarili gagawin nya ang lahat maibigay ang magandang buhay habang dapat ay mapanatili ang quality time nito habang lumalaki ang anak na si William.
Oktubre taong 2020 sa kasagsagan ng pandemya, nadiskubre ni Jessica ang matagal na nyang hinahanap, isang trabaho na magbibigay saya sa sarili, sa iba at maipapakita din nya ang kanyang pagiging bata.

Masayang naglalaro ang mga bata sa pamamagitan ng sensory play. Source: Jessica Mariz de Nava
“ Every week meron akong ginagawang wet and dry sensory play , sabi ko kailangan ko magtrabaho pero dahil single mum ako kailangan may time ako para sa kanya hindi ako pwedeng magtrabaho fulltime, ang tangi kong option ay magnegosyo," kwento ni Jessica.
Aminado ito noong una, nagdalawang isip din itong simulan ang negosyo dahil wala syang sapat na karanasan sa pagnenegosyo pero isa lang ang nakatatak sa isipan nya, kailangan nyang buhayin ang anak na mag isa at kung hindi nya subukang ay di nya malalaman ang kanyang kakayahan.
Kaya tinodo na ni Jessica ang kanyang diskarte, kinuha na nya ang lahat ng kinakailangan para legal siyang magsimula ng kanyang negosyo.
“Nagresearch ako paano gawin , lalo na sikat sya sa UK, nagresearch ako sa ingredients at kung paano maging ligtas ang mga bata pati na din ang insurance at working with child check," dagdag pa ng ina.

Mga disensyong ginagawa sa sensory play ng Fun Messy Mates ni Jessica Mariz de Nava Source: Jessica Mariz de Nava
Tinawag nya ang kanyang negosyo na Fun Messy Mates, isa itong sensory play para sa mga batang may edad 6 na buwan hanggang 5 taong gulang, para sa masasayang okasyon gaya ng kaarawan at iba pang kasiyahan.
Para makuha ang attention ng mga bata, gamit ang food based products , nilalagyan nya ng disenyo ang activity trays ng mga bata gamit ang iba’t ibang cartoon character, at nakaka-aliw na disenyo.

Ilang disenyo na ginawang sensory play sa Fun Messy Mates Source: Jessica Mariz de Nava
Ayon kay Jessica ang sensory play ay magandang simula para sa mga musmus na bata pati na din bonding sa kani-kanilang mga magulang.
“[Sa sensory play], natuturuan yong mga bata tungkol sa mga texture, nabi-build-up din yong social interaction nila, at maituturing na bonding na din yon ng mga magulang," ani ni Jessica.
Hindi lang negosyo nag nabigay ng kanyang pagtatrabaho kasama ang mga bata, dahil sabi ng batang ina, natutulungan din sya para makalimutan ang masalimuot na yugto ng kanyang buhay.
"Ang pagtatrabaho na kasama ang mga bata ay isang dream job, kasi ang gaan nilang kasama at nagbibigay lang sila ng kasiyahan at nakakalimutan mo ang iyong problema."
"Kapag kasama ko na yong mga bata sa session, napaka-positive ng mga bata, nagbibigay sila ng kakaibang saya," masayang kwento pa ni Jessica.
Di man naging madali sa dalagang ina, na tumayo sa sariling mga paa, pero kailangan nyang gawin dahil may batang umaasa sa kanya. Payo naman nya sa mga kagaya nyang single mum, na gustong ding maka-move on.

Session ng sensory play kasama ang mga magulang. Source: Jessica Mariz de Nava
Maliban sa suporta ng magulang kailangan din daw tulungan ang sarili para hindi mahila palayo sa mas makinang na bukas.
"Kailangan mo lang bitawan yong mabigat na dinadala, mag-open up sa magulang at patawarin yong taong nagpasakit sayo hindi sya madala pero kailangan kailangan mo din tingnan ang paligid kung paano sila tinitingnan ng mga bata," payo ni Jessica sa kagaya niyang mga single mum.
Sa ngayon, sa dami ng kanyang bookings may 4 hanggang 5 beses sa isang linggo nang mag-session si Jessica kasama ang maraming bata at magulang dito sa Sydney, na para sa kanya ay kalaro lang nya, na nagbibigay sigla sa kanya at sa kanyang anak para harapin ang maganda nilang bukas na puno ng pag-asa.
BASAHIN/PAKINGGAN DIN