Key Points
- Base sa pananaliksik, maraming Pilipino ang hindi interesadong kumonsulta sa mga mental health professional.
- Mula sa mga pressure sa eskwelahan hanggang sa malawak na impluwensya ng social media, ang mga kabataan ngayon ay nahaharap sa iba't ibang suliranin na maaaring makaapekto sa kanilang mental health.
- May mga libreng serbisyo na maaring ma-access online o sa pamamagitan ng pagkonsulta sa GP.
" Sa aming prinsipyo, walang tamang timing sa paghingi ng tulong. Kung sa umpisa pa lang ay may nararamdaman ka na hindi tama, lumapit ka agad sa mga health professional."
Sa isang panayam sa Mental Health responder at public researcher na si Dr. Joemer Maravilla mula Quensland, ibinahagi nya ang mga natuklasan sa kanyang pananaliksik tungkol sa mental health ng mga kabataan.
"Mahalagang maging aware tayo sa mga early signs. Huwag mong hintayin lumala. Kahit sa simple tulad ng hindi makatulog hanggang hindi na makaisip ng solusyon sa problema. Ang pinaka malalang senyales ay kapag gusto mo nang saktan ang sarili mo o naiisip mo na magpaka-matay," pahayag ni Dr. Maravilla.
Para lang sa mayayaman?
Base sa kanyang pananaliksik, maraming Pilipino ang hindi interesadong kumonsulta o lumapit sa mga psychologist para talakayin ang problema sa mental health.
"Sa Pilipinas, hindi lahat ng tao ay interesadong magpagamot o lumapit sa Psychologist. Iniisip ng iba na ito ay para lang sa mayayaman.
At kapag may mental health issue ka kailangan lakasan mo loob mo, sasabihin sayo na itulog mo na lang yan, lilipas din yan. Ito yung mga mindset at culture na hindi madaling mabago at yun ang mga bagay na potentially hinaharap pa rin ng mga migrants dito.Dr. Joemer Maravilla
Bahagi rin ng kanyang pag-aaral ang pag-alam sa mga factor na nakaka-apekto sa mentalhealth at pagkilos ng mga kabataan. Ilan sa mga binigyang diin nya ang epekto ng social media, lifestyle at kalusugan ng mga magulang.
"Sa pagbubuntis pa lang ng nanay may epekto na ito sa mental well being ng bata hanggang paglaki nya.
Maraming factors, nariyan ang social media lalo na kapag nabubully sila at ang expectation na pinapakita ng mga tao na nakakasalamuha nila, also the way they see themselves.
Kasama rin ang suporta ng magulang at pamilya. Nakikita natin na malaki ang parte nito kaya sa intervention kasama ang magulang bilang holistic approach. Nariyan din ang suporta ng ekwelahan at komunidad."
Libreng serbisyo
Bagaman maraming libreng serbisyo sa Australia na nakatuon sa pangangalaga ng mental health, hindi ito na-aaccess ng maraming mamamayan.
"Noong bago pa lang kami sa Australia, bilang migrant, yung issue ng counselling ay nangangapa kami dahil di tulad sa Pilipinas na pwedeng dumiretso sa doktor, may proseso o sistema dito."
Ilan sa mga pangunahing paraan ang pagkonsulta sa GP. Makakapagbigay sila ng mahahalagang impormasyon at pagsangguni sa tamang propesyunal na magsasagawa ng pagsusuri.
"Kapag na-stress ka, pumunta ka lang sa GP at sabihin mo kailangan mo ng mental health care plan. Pwede kang gawan ng GP ng plano para makakuha ng counselling services na subsidised o free at hindi mo nakailangan magpaliwanag sa doktor. Alam na nila kung paano ka tutulungan. "
Nariyan din ang mga libreng online resources mula sa pamahalaan at mga organisasyon tulad ng Beyond Blue.
Dagdag ni Dr. Maravilla, ang mga paaralan at kumpanya kung saan nagtatrabaho ay karaniwang may programa para mental health tulad ng libreng counselling.
"Gusto natin i-normalise ang pagtalakay ng mental health sa komunidad dahil normal ang paghingi ng tulong. "
Kung ikaw o may kilala kang nangangailan ng tulong, narito ang mga hotline na maaring tawagan:
Emergency hotline: Triple zero (000)
Beyond Blue: 1300 224 636
Lifeline : 13 11 14
Kids Helpline : 1800 551 800
Mental Health Line : 1800 011 511
Suicide Call Back Service : 1300 659 467