Matapos humarap sa mga matinding pagsubok upang manatili at magawang makasama ang kanyang asawa at dalawang anak, lubos ang tuwa ng Pilipinong doktor nang sa wakas ay ibigay sa kanila ang permanenteng paninirahan at tawaging sariling bayan ang Australia.
Ipinagkaloob kina Dr Edwin Lapidario, asawang si Cherryl, at kanilang mga anak na sina Sean at Savion ang magandang balita ng pagiging mga permanenteng residente ng South Australia noong ika-14 ng Agosto. Ito ay matapos ang makailang beses din na tinanggihan ng Kagawaran ng Imigrasyon ang aplikasyon para sa pansamantalang paninirahan ng anak na si Sean na may autismo noong taong 2009 at 2012.
Sa kagustuhan na magkasama-sama, ilang beses na inilaban ni Dr Lapidario ang kanilang aplikasyon na manatili ng permanente sa Australya at sa pagkakataong ito, sila ay matagumpay.