Highlights
- Eating Disorders Families Australia ay isang peer support network na itinatag ng mga magulang na may karanasan sa pag-aalaga ng may eating disorders.
- Bilang ng may eating disorders sa Australia tumaas ng higit 300 porsyento
- Sa datos ng Butterfly Foundation tinatayang higit 1,800 ang namatay sa eating disorders sa taong 2012
Pakinggan ang audio
Masaya at puno ng pagmamahal ang relasyon ni Sue sa kanyang anak na babae. Kaya malapit ito sa isa’t-isa, bestfriend ang kanilang turingan at sinusuportahan nila ang bawat hakbang ng kanilang buhay.
Hanggang sa dumating ang hindi nila inasahang unos na nagpabago sa kanilang buong pamumuhay.
Napansin ng ina na bigla na lang nag-iba ang personalidad ng anak. Naging agresibo at magaspang na ang pag-uugali. Nagulat din ito sa madalas na hindi pagkain ng anak. At ang lahat ng ito ay hindi nya inakalang mangyayari sa kanilang buhay.
Mga indibidwal na diagnosed ng eating disorder may kakaibang personalidad
Kwento ni Sue, "Natutulala ako, kasi alam kung hindi na tama ang nangyayari sa kanya. Nagiging magaspang na ang kanyang ugali, parang hindi ko na sya kilala."
Matapos pinatingnan sa doktor, na-diagnose ang anak na may eating disorder.
"Madali syang magalit, nakakatakot tingnan ang kanyang mga ginagawa. Minsan bigla nalang tinatapon ang mga bagay, napaka-unreasonable nya. Totally nag-iba ang ugali ng anak ko."
Madalas ang eating disorder ay napagkamalang isang pisikal na sakit o isang lifestyle choice.
Subalit ang eating disorder ay isang sakit sa pag-iisip o mental illness na may kasamang epekto sa pisikal at pag-uugali ng isang tao, katulad ng mabilis na pag-iba sa templa ng pag-uugali at agresibo o nagiging mabagsik.
At ang mga carers o nag-aalaga ng may eating disorder ay nagiging saksi sa biglang pag-iba ng personalidad ng mga biktima nito.
"Hindi sya nakikipag-usap sa amin, pero bigla na lang syang sumisigaw at nagsasalita ng hindi maganda. Nagiging agresibo na sya," dagdag ng magulang na si Alex."

Individuals diagnosed with eating disorders have changed their personality; they have started skipping meals and became aggressive and rude. Source: Getty Images/Malte Mueller
Si Alex, kagaya din ni Sue at marami pang ibang magulang ay naging saksi sa nakakagulat na pag-iba ng mga kaugalian ng anak, na ayon sa kanya halus hindi na nya kilala ang sariling anak.
" Hindi ako makapaniwala na anak ko ang gumagawa sa amin nun, ang ibig kung sabihin ibang-iba ang ugali nya sa pinalaki kong anak."
Carers ng may eating disorders may malaking responsibilidad
Sa ulat ng Deloitte Access Economics na kinomisyon ng Butterfly Foundation tinatayang higit 1,800 ang namatay sa taong 2012 dahil sa sakit na ito.
Ito din ang isa sa may pinakamataas na motality rate sa lahat ng may psychiatric disorders.
Sa loob ng sampung taon wala pang ginawang isang komprehensibong pag-aaral sa sakit na ito.
Kaya ikinababahala ng ilang advocacy groups na posibleng pumalo na ang bilang ng may eating disorder sa Australia.
At dahil hindi na-diagnose ito ang sanhi upang silang mga carers ang nagpapasan ng krus o nahihirapan.
Kaya pinaliwanag ng isang mananaliksik mula Deakin University na si Dr Genevieve Pepin kung ano ang tunay na sitwasyon ng mga nag-aalaga ng may eating disorder.
“ Kapag nag-aalaga ng may eating disorder ay parang ang laki ng pinapasan mong problema, taas ang stress level, mas mahirap pa ito kaysa nag-alaga ka ng pasyente na may kanser at Alzheimer’s disease."
Sa isang punto, tinatayang umaabot sa isang milyong Australians o kaya apat na porsyento ng populasyon ng bansa ay may kasama o inaarugang may eating disorder.
Ang masaklap pa dito silang mga carers ay pakiramdam ay walang magawa at higit sa lahat, kulang sa kaalaman kung paano harapin ang hamong ito.
Dagdag kwento ni Sue, “ Bigla na lang akong pupunta sa kwarto tapos dun iiyak ko lahat sa loob ng 5 minutes tapos balik agad dun sa kung saan ang anaka ko na parang wala lang nangyari. Sa totoo lang ang hirap pero mahai ko sya."
Carers kailangan ng support group
Saad din ni Dr Pepin ang masakit sa ganitong sitwasyon ay mismong ang mga carers ay wala ng panahon para alagaan ang sarili bagay na mapanganib para sa kanilang katinuan.
“ May mga pangangailang din ang mga carers pero binabaliwala nila ito dahil priority nila ang alagaan ang may sakit. Matagal ang gamutan sa sakit na ito at paano ang well being ng carer? kailangan alagaan din nila ang kanilang sarili."
Subalit, may magandang balita dahil may agensya na nagbibigay tulong at suporta sa mga may eating disorders pati na ang pamilya nito.

It is important that carers for individuals diagnosed with eating disorders to reach out to organisations that support carers. Source: Getty Images/Dimitri Otis
Ito ay ang National Eating Disorders Collaboration isa itong Australian government initiative na nakatuon sa pagbuo at implementasyon ng sistema ng pag-aalaga para maiwasan at mabigyan ng lunas silang may eating disorders.
Ayon sa ahensya, mahalagang agad mapagamot para tuluyang gumaling ang mga may sakit, subalit, aminado itong kulang ang kanilang maibibigay na tulong para sa mga malalayong lugar dahil na din sa stigma at kulang sa kaalaman ang carers para sa pag-aalaga ng mga may sakit.
At ito ang hamon na hinaharap ng inang si Sue.
“ Sa totoo lang konti lang talaga ang suporta na natatanggap namin. Ang isang oras na therapy sa Psychologist ay hindi sapat dahil 24/7 akong nakabantay sa anak ko.
Sana man lang may tumawag sa amin mangumusta at kausapin kami. Dahil ang ginagawa namin dito sa bahay ay parang ang ginagawa ng mga doktor at nurses sa ospital."
Paunawa ni Dr Pepin dapat ang mga carers ay may sapat na kaalaman sa sakit at may tamang supporta at tulong gaya ng kahit papaano may panahon ito sa sarili, sa ganung paraan mabigay ang tamang suporta sa may sakit.
“Mahalaga na bigyan ng suporta at kaalaman sa mga carers tungkol sa sakit na ito ay makakatulong para mas maging epektibo itong na tagapag-alaga ng kanilang mahal sa buhay.
Importante may space sila para maka-connect sa mga taong may alam sa ganitong sakit at karanasan dahil ang stigma at dikriminasyon o isolation ay dagdag pasanin pa sa mga pamilya."
Ito naman ang sitwasyon ni Alex, dahil sa ngayon kahit sya ang nag-aalaga sa anak sapat ang suporta na natatanggap. At naalagaan pa nito ang kanyang sarili kaya nasa maayos itong posisyon para magbigay ng suporta sa mahal na anak.
“ Kailangan mong matutunan na alagaan ang sarili dahil kung hindi paano mo maaalagaan ang may sakit lalo't pangmatagalan ang panggagamot sa eating disorder.
Kaya ang ginagawa ko sa umaga o sa gabi isinisingit kong may time ako sa sarili parang break ."
Dagdag ni Alex, naging posible ito dahil nakahanap din sya ng kalinga at suporta mula sa mga taong tulad nya ang sitwasyon, na nagbigay sa kanya ng lakas para ipagpatuloy ang kanyong misyon na alagaan ang anak na may sakit hanggang sa gumaling.
“Laking tulong sa akin yong peer support mula din sa ibang carers, na nakakaunawa sa pinagdaanan ko. Alam mo minsan nagkakagulo na kami sa bahay, pero kapag nai-kwento ko sa ibang carers at mag-emphatise sila laking tulong nun sa akin."
Ang Eating Disorders Families Australia o EDFA ay isang peer support network na itinatag ng grupo ng mga magulang na may tunay na karanasan sa pag-aalaga ng may eating disorders.
Sabi ng network co-founder na si Christine Naismith, alam nya ang epekto ng eating disorders sa loob ng pamilya.
Dagdag pa nito, kapag may isang milyon ang nagdurusa sa sakit na ito, apektado dito ang tinatayang apat na milyong tao, dahil ang buong pamilya na nakapalibot sa mga biktima ay seguradong apektado ang buhay.
“ Bilang magulang o carer napakalaking responsibilidad ang pag-aalaga ng may eating disorder sa pamilya at hindi ito madali gaya ng lahat ng nakaranas nito at buong pamilya ang apektado.
Maliban sa pisikal at emosyonal na pressure, malaki din ang gastos dahil kailangan magbayad sa psychologist, psychiatrist, dieticians at therapist para sa sarili dahil apektado ang lahat dapat magtulungan."
Bilang ng may eating disorders sa Australia dumarami
Sa nagdaang labing walong buwan, inamin ni Naismith napag-alaman ng network na halus 300 porsyento ang pagtaas ng bilang ng kanilang myembro.
Ibig sabihin nito, dumarami ang nakakaranas ng ganitong sakit.
Kaya ang pagkakaroon ng eating disorder ay pangkaraniwan na at dapat walang diskriminasyon sa ganitong kondisyon.
“ Nakikita namin pabata ng pabata ang may eating disorder gaya ng 7 years old. Walang pinipili babae man o lalaki at kahit sino maaaring magkasakit nito.
Kailangan alisin ang diskriminasyon o stigma at unawain na nakakaranas nito dahil marami ito sa paligid. Ang nararapat dito ay kung sino ang may sakit dapat agad mapagamot."
Kaya hinihimok ni Dr Pepin ang mga carers na agad humingi ng tulong o suporta para sa mas ika-gagaan ng sitwasyon at kondisyon ng mahal sa buhay .
“Makipag-ugnay sa mga organisasyon na nagbibigay suporta samga carers o nagbibigay ng iba't-ibang tulong o resources.
Ibig kung sabihin, may Eating Disorder Victorian, Butterfly Foundation, National Eating Disorders Collaboration, Inside Out Institute at may Centre Excellence in Eating Disorder sa Victoria."
Mga taong may eating disorders gumagaling
Si Alana 8 taon ng hindi sinusumpong ng sakit kaya sobra-sobra ang pasasalamat sa mga taong nagtulungan para alagaan ito hanggang sa gumaling.
“ Ang sakit na ito ay 'Selfish illness' dahil tinuturuan ang utak mo na maging selfish machine na hindi mo nakikita ang damages na dulot sa iba na nakapaligid sa'yo. Hindi mapigilan ang sarili ko.
Ngayon ko lang nalaman kung anong laking tulong ang ginawa ng pamilya ko para ako gumaling. 24/7 nilang akong inaalagaan, napaka-guilty ko ng malaman na ang sama ko sa kanila.Isa itong masamang bangungot ito."
Naniniwala si Alana na dahil pag-aaruga ng mapagmahal na ina, gumaling ito at itinuring na nagsalba ng kanyang buhay.
“Ang laki ng pagmamahal ng mama ko sa akin. kahit pa itinutulak ko sya dahil sa sama ng epekto ng sakit na ito, ang haba ng pasensya nya, naging bastos ako, masungit at nananakit na ako sa kanya.
Kaya laking pasasalamat ko sa mama ko at sa buong pamilya na ng alaga at sumuporta pero ang suporta nya ay patuloy hanggang gumaling ako, hindi nila ako binitawan hanggang ngayon."
At para sa lahat ng mga carers,
“Worth it na magsakripisyo dahil mahal natin sila. Ayaw natin silang mawala, kailangan lang lakas ng loob at tiwala na kakayanin ang lahat. Dahil hindi kaya ng ating mahal sa buhay na tulungan ang sarili, tayo ang tangi nilang inaasahang tumulong sa kanila."
Para sa karagdagang impormasyon at mga naghahanap ng kalinga at suporta para sa eating disorders at body image issues. Maaaring makigpaugnay sa Butterfly Foundation sa 1800 334 673 o bisitahin ang www.butterfly.org.au, at National Eating Disorders Collaboration at nedc.com.au



