Parang mga kabuteng nagsulputan sa Pilipinas ang mga community pantry na layong masuportahan ang mga taong wala ng makain dahil sa pandemya.
Ang gawaing ito ay hinangaan maging sa loob at labas ng Pilipinas. Sa kabila nito marami ang sumuporta pero hindi nawala ang ibat ibang isyung politikal. May mga nadismaya at madami din ang nagalit.
Gayunpaman marami pa rin mga Pinoy sa Australia ang tumulong sa ganitong klase ng bayanihan.
Tulad ng sampung taong gulang na si Brian De Guzman, binutas ang itinagong alkansya, puro barya pero umabot din ng pitong libong piso ang halaga. Inipon niya daw ito mula sa pagtulong sa kanyang mga magulang na nagtitinda sa palengke sa rusty’s market simula noong siya ay walong taong gulang, pera na layong ibili ng gusto niyang bisekleta.
Ayon sa kanya taga bugaw daw siya ng mga insektong dumadapo sa kanilang mga tinda, at pagkatapos binibigyan siya ng kanyang ina ng limang dolyar, ngayon pa lamang daw kasi ay tinuturuan na siya ng kanyang magulang na magbanat ng buto at maging masinop.
Dagdag pa ng bata, mas madami daw na pinoy ang matutulungan nang halagang iyon, ipagpapaliban na lamang muna daw niya ang pagbili ng bisekleta.
Nakita daw niya ang balita ng iyon habang nanonood sa Youtube ang kanyang tatay. Isang mama na nagtitinda ng taho ang nagbahagi ng kanyang tinda sa community pantry, mayaman at mahirap ay nagkaisa.
Ipinaliwanag ng kanyang tatay sa kanya ang sitwasyon sa pilipinas na labis na nagpalungkot sa kanya. Lalo at naalala daw niya ang kanyang mga kalaro sa kanilang probinsya sa Batangas.
Naisip daw niya kung may kinakain pa ang mga ito, naging mabuti daw sa kanya ang kanyang mga kalaro doon lalo at espesyal siya kung ituring ng mga iyon dahil hirap siyang mag tagalog.
Hinusto naman ng kayang inang si paula na dalawampung libong piso ang ipinadala sa pilipinas at doon ay ipinamili ng kanyang mga kamag- anak at dinala sa community pantry sa kanilang barangay.
May bigas, de lata, noodles, itlog, mga sabon, sibuyas, bawang at, madami pang iba.
Habang ang desi otso anyos na si Melanie ay ipinag paliban na lamang ang sanay magarbo niyang 18 birthday nitong nakaraang Biyernes.
Bagkus ay ipinadala na lamang niya ang pera sa Pilipinas, kasama na rin ang iba pang pera na nalikom mula sa kanyang mga sanay 18 roses at 18 candles.
Umabot ito ng P56,000. Mas memorable daw ito sa kanya kesa mag handa gayong alam niyang madaming tao sa Pilipinas ang halos wala ng makain, para sa kanya maituturing pa rin na mapalad ang mga katulad niya dahil nakakapag trabaho siya at ang kanyang mga magulang at maayos ang sitwasyon ng mga tao dito sa Australia laban sa COVID19.
Tangi daw niyang hiling at sanay liparin ng hangin ang kanyang mga wishes, sana ay matapos na ang pagsubok na ito, at bumalik na sa dati ang mundo, at makabalik din siya sa Pilipinas ang kanyang lupang sinilangan.
Likas sa mga Pinoy ang matulungin, at mahabagin, lalo at mulat ang karamihan sa kahalagahan ng pamilya, yun sama samang aahon, babangon walang iwanan sabi nga.




