Key Points
- Ang The Mission to Seafarer Victoria ay tumtutulong sa mga seafarer na dumadaong sa Melbourne.
- Mayroong 50,000 naka register na merchant ships sa buong mundo.
- Marami sa mga seafarer ay mula sa Pilipinas sinundan ng Russia, Indonesia, China at India.
Sa mahigit na tatlong dekada na naglalayag sa barko si Valentin Laloy, marami na siyang narating na lugar sa iba't ibang bahagi ng mundo.
Sa matagal na panahong nawalay siya sa mga mahal niya sa buhay, ang maka-uwi at makapiling muli ang asawa at anak ang pinaka-aasam-asam ng beteranong seafarer.
"Napagtapos ko ng college ang lima kong anak sa maraming taon ko sa barko," ani Valentin Laloy.
Sa lima niyang anak, mayroong nakapagtapos ng architecture at engineering habang sumunod sa yapak niya ang iba niyang mga anak.
Matuturing naman bagito sa barko ang kadete (tech cadet) na si Joyce Ganoza.
Tinatapos niya ang isang taon niyang kontrata sa barko upang matapos ang kurso at makapag-exam para maging officer.
Napukaw ang kanyang interes sa buhay sa barko ng kanyang kuya na nagtratrabaho din bilang isang seafarer.
"Ngayong nag-aaral ako at kinokumpleto ko ang apprenticeship ko, mas lalo lumalim ang interes ko sa buhay sa barko," bahagi ng nag-iisang babaeng seafarer sa barko ng Pilipinong crew.
Layunin ni Joyce Ganoza maging kapitan ng barko.
Sa mahigit 30 taon ni Valentin sa barko sinabi niyang "hindi malayo mangyari ito, dahil naka-trabaho ko na ang maraming mga babaeng seafarer at nasaksihan ko ang pag-angat nila mula kadete hanggang chiefmate at officer."
Naka-usap ng SBS Filipino sina Valentin Laloy at Joyce Ganoza noong sila ay nagtungo sa The Mission to Seafarers Victoria habang hinihintay ang biyahe pabalik ng Pilipinas.