Highlights
- Nakilala ang Pinoy Diner sa mga boodle fight, na patok sa mga Pinoy
- Dahil sa paghihigpit ng mga restriksyon sa Melbourne, malaki ang binaba ng kanilang kita
- Hirap man sa ngayon, nagpapasalamat si Harold Mondonedo sa patuloy na pagtangkilik ng mga Pilipino sa kanyang negosyo
Tatlong taon na sa kanyang restaurant business sa Melbourne si Harold Mondonedo ng Pinoy Diner. Maganda ang kita at naging patok sa mga Pinoy ang kanilang mga pagkain.
“Pinakasikat sa amin yung boodle fight. Kung ano yung ginagawa sa Pilipinas, ginawa rin namin dito. Pero ginawan lang naming ng konting pakulo o konting twist.
“Maganda naman po ang naging resulta. At least, tinatangkilik tayo ng mga kapwa natin Pilipino dito sa area ng Wyndham Council at sa mga surrounding suburbs.”
Epekto ng lockdown
Pero dahil sa sunod-sunod na lockdown dala ng pandemic ngayong taon, malaki na ang ibinaba ng kanilang kita.
“Ang sales naming talagang very dramatic, malaki ang naging epekto.”
“Noong unang lockdown, 50%-70% ang nawala sa sales namin.”

Bukas pa din ang shop, pero takeaway at delivery lamang ang pinapayagan. Source: Joan Soro
“Natakot yung mga taong lumabas at bumili. Kasi nga may restrictions din yung mga ibang suburbs na medyo malayo, hindi makapunta sa amin yung mga tao. So wala kaming benta."
Panibagong paghihigpit
At ngayong humaharap sa ikalawang lockdown ang Metro Melbourne at ilang local government areas o LGA, ibinalik ulit ang mga restriksyon sa mga negosyo.
“Kailangan din naming mag-adjust sa inutos ng gobyerno. Kung ano yung sinabi nilang restrictions, ginawi rin namin yon. Kung take-away lang, take-away lang. Nilimitahan naming yung mga patrons o yung mga tao sa loob ng shop, inimplement din namin yon.”
Isang buwan pa lang na na-eenjoy ng mga residente ang pagkain sa loob ng mga restaurants, ngayon ay balik-takeaway at delivery ang kanilang serbisyo.

Matapos ianunsyo ang Stage 4 restrictions, balik-take-away at delivery na naman sila. Source: Joan Soro
“Unang araw ng second lockdown, ganoon din ang naging epekto. Medyo malaki ang nawala sa sales.”
”Kaya kinailangang maging aktibo kami na ipaalam sa lahat na bukas kami dito, handa kaming maglikod. Tumawag lang o bumisita sa website para maka-order.”
Online orders at delivery ang naging diskarte
Dahil napagdaanan na nila ito, mas naging mabilis ang pagbuo ni Harold sa mga estratehiya para magpatuloy ang kanilang negosyo. Mas naging aktibo sila sa paghikayat sa mga customers online.
“Nag-launch kami ng aming online shop. Sa website namin, pwede ka makabili and pwede naming i-deliver sa kanila.”
Naging hands-on din sila sa pagdedeliver ng mga malalapit na order.
To survive, take-away lang. Nagkaroon din kami ng free delivery within our suburb. Yung mga malalayong suburb, binawasan naming yung delivery fees.
Sa mga malalapit na suburb, kami nagdedeliver. Sa mga malalayong suburb, ginamit namin yung mga dating nagdedeliver sa amin at yung mga individuals na gusting kumita on the side.
Dahil takeaway at delivery lang, minabuti ni Harold na pabilisin ang kanilang serbisyo.
“Ginaya naming yung mga Vietnamese stores, na pagtawag nila, lulutuin agad naming yung order nila.”
Stage 4 restrictions
Anim na linggo ang itatagal ng lockdown. At sa ilalim ng Stage 4 restrictions, maaari lamang lumabas ng bahay para magtrabaho, mamili ng mga kakailanganin, at mag-aalaga sa maysakit o pagapapagamot at pag-eehersisyo.
Ayon kay Premier Daniel Andrews, magiging strikto ang mga pulis sa panghuhuli ng mga lalabag. Lalo na at patuloy ang pagtaas ng coronavirus sa Victoria.
“If we follow the rules, then we can play our part. A really powerful part in driving down these numbers. Driving them down to a controlled level and being able to move beyond the challenging circumstances we face.”

Victorian Premier Daniel Andrews. Source: SBS
Sa kabila ng pangamba at panibagong pagsubok, ipinagpapasalamat ni Harold ang katatagan ng kanyang mga empleyado at pagtangkilik ng mga kapwa Pilipino sa kanilang restaurant.
“Maraming Salamat sa aming staff. Words are not enough para pasalamatan kayo sa pagtatrabaho ninyo, sa risk na hinaharap ninyo kasi delikado talaga ang virus na ito.”
Ipinaabot din nya ang paalala sa lahat para hindi na tumagal pa ang nararanasanang krisis at paghihigpit dahil sa pandemya.
BASAHIN/PAKINGGAN DIN