Highlights
- Dahilan sa sunod-sunod na lockdown, maraming migrante ang nakaranas ng depresyon.
- Ayon sa report, 1.3 million tao sa Australia ang dumaranas ng depressive disorder na nasa edad 16-85 years old.
- Para sa mga naka-working visa tulad ni Ellen, di biro ang gastos sa pagpapagamot.
Punong-puno ng pangarap at plano ang 25 anyos na nagpapatago sa pangalang Ellen. Kasama ang apat na anak, nagtungo sa Australia buwan ng Setyembre taong 2020 para manirahan at makasama ang asawa.
Plano na nilang dito manirahan ng permanente. Working visa, kaya nakapag trabaho siya bilang cashier sa isang restaurant.
Sintomas ng depresyon
Pero ang masaya at tipikal na araw ay binago ang lahat, nagising na lamang siya isang umaga na masakit ang kanyang ulo, pagod, at walang ganang kumain.
Pinauuwi siya ng amo dahil nakakaramdam ng kapos sa paghinga. Patuloy ang pananakit ng kanyang tiyan at likod hanggang sa magdesisyion siya na tumigil sa trabaho at nag-alaga na lamang ng kanyang mga anak.
Balisa, hindi makatulog, palaging umiiyak, at sumagi na rin sa isip niyang magpakamatay.
Malaki na rin ang nagastos niya sa pagpapacheck up at pagpapalaboratory. Dahil working visa hindi libre ang pagpapaospital at check-up kaya labis ang paghihinayang niya sa perang nagagastos sa kanya.
Hanggang sa madiognose siya na may depresyon. Ang sakit na labis na nagpapahirap sa buhay ng kanyang pamilya. Halos sumuko na rin ang kanyang pamilya. Hindi na rin kasi siya maintindihan.
Depresyon sa mga migrante
Ang kaso ni Ellen ay isa lamang sa mga sitwasyon na kinahaharap ng mga migrante sa Australia.
Ayon sa mga eksperto ang depresyon ay maaring namamana o kaya ay dahil sa environment lalo at iba ang kultura dito.
Mas pinalala pa ang sitwasyon dahil sa pandemic kung saan ipinatutupad ang lockdown kapag dumadami ang kaso ng Covid19 sa isang lugar.
Ayon sa World Health Organisation, nasa 1.3 million tao sa Australia ang dumaranas ng depressive disorder na nasa edad 16-85 years old. Bagay na tinututukan ng gobyerno.
Kamakailan, nag-suicide ang isang nanay habang idinamay nito ang kanyang tatlong anak. Natagpuan silang patay sa kanilang bahay.
Paano lalabanan ang depresyon
Sa ganitong sitwasyon, mahalaga ang suporta at pang-unawa ng pamilya, at mga kaibigan.
Sa mga dumaranas ng depresyon lalo ngayong pandemic, mainam na ibaling ang atensyon sa mga bagay kung saan maari siyang malibang tulad ng pamamasyal o pag-eehersisyo. Nakatutulong ang pag-eehersiyo upang ilabas ng katawan ang endorphines o joy hormones na nakakatangal ng stress.
Iwasan ang pag-inom ng alak at paninigarilyo, bawasan ang pag inom ng kape, healthy diet at humanap ng relaxation technique tulad ng yoga.
Kung ikaw o may kakilala kang nangangailangan ng tulong, tumawag sa Lifeline 13 11 14.