"I don't know if I'm going through midlife crisis," saad ni Joe Alayra ng tanungin siya ukol sa kanyang paglalakbay mula Boracay patungong Darwin sa isang paraw na pinagawa niya.
Hindi bago ang ganitong paglalakbay kay Mr Alayra. Sinubukan na niya ito noon, 28 na taon ng nakalipas. Subalit, sa kasamaang-palad, inabandona ng dati niyang kasama ang lakbay. Hindi natapos ang paglalakbay, at naiwang nagsisi si Mr Alayre ng 28 na taon.
“Now is the time,” sabi niya.
May GoFundME page si Mr Alayra para sa kanyang proyekto na 'Lone Man at Sea'. Humihingi siya ng pinansyal na tulong para sa mga logistical na pangangailangan niya, at para sa videography equipment.
Dahil may lakas pa siya at dahil tapos na ang mga obligasyon niya sa kanyang anak ng makatapos ito ng pag-aaral, pinaplanong tapusin ni Mr Alayra ang naumpisahan niya noon. Ninanais niyang balikan ang kursong tinahak ng mga freedom fighters noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig upang lisanin ang mga hapon at ibigay ang mga impormasyong pang-militar kay General Douglas MacArthur.
Bilang isang third-generation na beterano ng US army, sinabi niya na higit pa sa kanyang interes sa kasaysayan ang gagawin niyang paglalakbay. Isa itong pagkilala sa kanyang lolo na isang beterano din.

Sinabi niya na dumaan siya sa physical training para sa kanyang paglalakbay, ngunit, walang eksaktong ensayo ang maaring maghanda sa kanya.
Bilang isang natural introvert, inaasam ni Mr Alayra ang "down time" niya sa paraw. Habang ang pag-mumuni-muni na ito ay mahirap para sa iba, tanggap niya na bahagi ito ng paglalakbay, kasama ang realidad ng pagtulog sa paraw, ang masakit na sikat ng araw at ang pabago-bagong sitwasyon sa dagat.
Sinimulan na niya ang kanyang paglalakbay. Umalis siya sa Boracay noong gabi ng pansamantalang pagsasara nito noong Abril. Nasa Onok Island sa Palawan si Mr Alayra noong nakapanayam namin siya. Huling hinto na ito sa Pilipinas, at hinihintay na lang niyang tumila ang mga bagyo bago siya lumakbay muli.
Ninanais ni Mr Alayra na makumpleto ang paglalakbay ng dalawang buwan.



