Mga diskarte ng mga Pinoy sa Sydney ngayong panahon ng lockdown

Diskarte ni Ivy Sugano at Ricarte Tejada ngayong may lockdown.

Diskarte ni Ivy Sugano at Ricarte Tejada ngayong may lockdown. Source: Ivy Sugano, Ricarte Tejada

Alamin ang mga diskarte ng Pinoy at magandang dulot ng lockdown sa kani-kanilang pamilya.


Round the clock kung bantayan ni Ivy Sugano ang 8 taong gulang nitong anak na si Kyra. Dahil maliban sa bunso, kailangan din nyang tutukan ang paglaki nito, lalo pa’t may special needs ito.

Bagama’t may routine na si Kyra na gawin kada araw, kasama na ang pagpunta sa therapy sessions, may panahon talagang nabo-boring ito.


 Highlights

  • Bawat challenge o pagsubok sa buhay ay may solusyon, dapat maging madiskarte sa buhay.
  • Gawing makabuluhan ang panahon kasama ang mga anak at buong pamilya ngayong lockdown, gaya ng pag-luluto, paglilinis at pagdiskubre sa mga bagay na pwedeng magpakakakitaan.
  • Mga magulang dapat makipag-connect sa kanilang anak at gawing simple ang mga bagay bagay sa buhay. At mga mag-asawa, supotahan ang bawat isa.

Positibong pananaw

Dito na lumalabas ang pagiging madiskarteng mummy na si Ivy. At ngayong ilang linggo nang naka-lockdown dahil sa Coronavirus ang buong Greater Sydney, ayon kay Ivy dito nasusubok ang kanyang kakayahan na gawing positibo ang negatibong mga pangyayari.
Baking session ni Kyra sa kanilang bahay.
Baking session ni Kyra sa kanilang bahay. Source: Ivy Sugano
"Kasi ako yong klase na tao,  pag binigyan mo ako ng problema  ang hinahanap ko agad solusyon. Meron kaming trampoline so pwede siyang lumabas, talon-talon dun alam mo yong gumagawa ako ng activity na pwede syang i-involve, mahilig sya sa tubig, lagyan namin ng tubig yung bath tub kunyari magfi-fishing sya dun, kwento ni mummy Ivy.

Mga alternatibong paraan

Dagdag pa nito, doble ang kanyang ginagawang effort ngayong lockdown dahil kailangan ni Kyra ng sapat na socialisation, pero dapat sa wais at ligtas na pamamaraan.

"Pumupunta kami sa farm na may tindang gulay, kasi gusto ni Kyra, mamasyal yung may scenery pero wala kaming contact sa ibang tao. Kapag bored na sya, minsan nagpainting na sya, minsan nagmake-up na kami o kaya lagyan ko sya ng nail polish , tapos naglalagay din sya ng lipstick."

Maliban sa mga bonding moments ng mag-ina, Ito din ang panahon na mas natutukan ni Ivy na turuan ang anak nang magsalita ng wikang Tagalog, mga simpleng gawain sa bahay at disiplina sa sarili.

"May locker kami, dun nakalagay ang kanyang mga laruan at gadgets, hindi nya makukuha ang isa pang laruan dun o gadget kapag hindi nya ibabalik ung una nyang kinuha." 

Mas tutok din si Ivy sa kalusugan ng anak, para hindi mahawaan ng sakit.

"Bawas labas muna at tuloy tuloy ang vitamins nya at gumagawa talaga ako ng honey at lemon araw-araw,"  mahinahong sambit pa ng ina.

Aminado si Ivy, marami din silang nasakripisyo gawa ng lockdown lalo na ang hilig nilang pagbabyahe buong pamilya. Pero naging susi ito para matuklasan nya ang ibang pang mahahalagang pwedeng gawin, para sa sarili at sa kanyang pamilya. Ito din umano ang saktong panahon para makapag-ipon.
Recycling an old shirt for Kyra.
Recycling an old shirt for Kyra. Source: Ivy Sugano
"I do crafting, nagre-recycle ako ng kung anu-ano, dahil bawas labas, nagagamit ko ung nasa pantry ko at na-clean up din ung nasa fridge at hindi kami kumakain masyado sa labas, hindi nakapag-travel so yung pera na-iipon, sa tamang panahon pwede na yon gamitin," masayang kwento ni Ivy.
Recycling an old pants for Kyra's gadget.
Recycling an old pants for Kyra's gadget. Source: Ivy Sugano
May payo din sa mga magulang ang isang Sydney-based educator at may-ari ng ng child-parent facility Little Hands at Work na  si Anniebelle Vergel De Dios sa mga naninimbang pa ngayong panahon ng lockdown.

"Maging mahinahon at kalmado lalo na ngayong panahon ng pandemya. Kung may gusto kang ipapagawa sa anak, gawin mong simple, lower your expectation at higit sa lahat, bigyan ng oras sila, maki-connect sa kanila 10-15 minutes." 

Diskarte ng isang Uber driver

Samantala, kabilang sa umaaray sa epekto ng pinalawig na lockdown ang suma-sideline bilang Uber driver na si Ricarte “Kartz" Tejada.

Dahil ayon sa kanya halos 90 percent ang nawala sa kanyang kita ngayong may lockdown. Kaya imbes na mamasada sya matapos ang kanyang regular na trabaho, minsan na lang sya kung pumapasada dahil sa tumal ng pasahero at takot din syang mahawaan ng virus.

"Kung konting sipag ka may $1000 kada linggo pero kung ung sipag na sipag ka talaga $3000, eh ako $50 lang ako sa isang  araw natatakot ka rin na makakuha ng virus" kwento ni Kartz.
Protection Shield sa driver side para sa driver ngayong pandemya.
Protection Shield sa driver side para sa driver ngayong pandemya. Source: Ricarte Tejada
Kahit pa minsan lang pumasada may diskarte din sya para hindi mahawaan ng virus.

"Palaging nasa likod lang yong pasahero, tapos naka-shield yong drivers seat tapos meron akong facemask, minsan gumagamit ng faceshield, may wipes at sanitisers."

Pero ayon Kay Kartz, may dulot ding maganda ang lockdown sa kanilang pamilya.
Succulent collection of Kartz wife.
Succulent collection of Kartz wife. Source: Ricarte Tejada
"Mas maraming oras sa asawa ko at sa mga bata, tapos ngayon mahilig magkolekta ng succulent si misis. Gumagawa ako ng base sa halaman, nagpaplano kami pagnaparami ibenta, eh pang dagdgag kita din," masayang kwento ng padre de pamilya.

Sila Ivy at Kartz, dalawa lang sa ilang daang libong mga Pinoy sa Australia na nagpapapatunay na kayang lagpasan ang anumang pagsubok sa buhay, kailangan lang dumiskarte.

BASAHIN/PAKINGGAN DIN

Share
Follow SBS Filipino

Download our apps
SBS Audio
SBS On Demand

Listen to our podcasts
Independent news and stories connecting you to life in Australia and Filipino-speaking Australians.
Understand the quirky habits of Aussie life.
Get the latest with our exclusive in-language podcasts on your favourite podcast apps.

Watch on SBS
SBS News in Filipino

SBS News in Filipino

Watch it onDemand