Highlights
- Taong 1910 nang unang ipinagdiwang ang Mother's Day sa Australia.
- Ayon sa Australian Institute of Health and Welfare, 298, 567 na mga ina ang nagsilang ng sanggol sa Australia noong 2019.
- Mula 2009, mahigit 290,000 na kababaihan ang nanganganak kada taon sa Australia.
Pakinggan ang audio
Mas lalong nauunawaan ng sinumang anak na babae ang kahulugan ng pagiging isang ina sa oras na sila ay magkaroon na ng sarili nilang anak.
Sa pagtataguyod ng sariling pamilya lalong napapahalagahan ng mga anak ang kanilang mga magulang.

Annabelle Regalado-Borja with her sick mum who cannot speak at all since suffering a major stroke 8 years ago. Source: Supplied
Pagiging isang nanay
Bilang isang nanay at bilang isang anak, importante para sa music teacher at producer na si Annabelle Regalado-Borja ang Mother’s Day.
"Ang mga nanay ang ilaw ng tahanan at ngayon na nanay na ako nararamdaman ko na kung ano ang ibig sabihin ng pagiging ilaw ng tahanan."
Iba talaga aniya ang ginagampanang papel ng mga nanay sa buhay ng pamilya.
"Ngayon na nanay na ako gusto kong parangalan din ang sarili kong nanay kahit na malayo kami sa isa’t isa. Walong taon ko nang hindi nakakausap ang nanay ko dahil nagka-major stroke siya at hindi nakakapagsalita," kwento ni Annabell.
At para kahit paano para marinig pa rin ng kanyang ina ang kanyang boses nagpapadala ito lagi ng mga video nito habang kumakanta.
"Miss na miss ko na ang nanay ko. Kaya ang ginagawa ko, lagi akong nagre-record ng mga paborito niyang kanta at pinapadala ko sa kanya para mapakinggan niya."
Espesyal na araw
Madalas pag Mother's Day, ipinagluluto naman ng Assistant Nurse na si Mark Cruz ang kanyang butihing misis. Aniya dahil lagi abala sa trabaho ang mag-asawa sa mga ganitong okasyon lang talaga siya nakakapaghanda para sa kanyang misis.
"Ipagluluto ko siya [si Misis] ng paborito niyang pagkaing Pinoy o kung hindi man ay kakain kami sa labas."
Bagaman nasa trabaho naman ang semi-retired health worker na si Delia Freeman ngayong Mother's Day, batid niya na maghahanda ang kanyang mga anak para sa kanya. Espesyal na araw umano ito lalo na at dalawa sa kanyang mga anak ay mga nanay na rin.
At para sa mga kagaya niyang nanay, ito ang mensahe ni Delia: "Keep up the good work that they do. I know that mothers are very hard working women and they love children so much."
Umaasa din si Delia na mabigyan sana ng espesyal na pagtrato ang lahat ng nanay ngayong araw ng Linggo.
Mensahe ng pagmamahal

Edna Silvestre (second from right) with her husband, Renato, and their two daughters Source: Supplied
Para naman kay Renato Silvestre, araw-araw ay espesyal para sa kanyang misis na si Edna, lalo na nga at laging silang mag-asawa ang magkasama sa bahay.
Nakatira sa Wagga Wagga, timog ng New South Wales, ang mag-asawang Silvestre, pareho na silang retirado at ang panganay nilang anak ay sa Sydney na naglalagi dahil sa pag-aaral nito. Ang kanilang bunso at malapit na ring mag-kolehiyo.
Kaya naman para kay Renato, mahalaga para sa kanya at sa ilaw ng kanilang tahanan na laging magtutulungan sila lalo sa pagkakataong ito na sa isa't isa lamang sila umaasa at makakasandal.
"Cooperation at magtulungan lang ang mag-asawa at sigurado magiging maayos ang buhay ng kahit na sinong migrante sa Australia," ani Renato.
Para naman sa English Teacher na si Jane Bardos, anuman ang aktibidad na ihahanda ng kanyang pamilya para ipagdiwang ang Mother's Day, masaya siya na magkakasama silang mag-anak.

'Enjoy whatever activity and time you have with your family.' Source: Jane Bardos
"Gusto ko lang ding ibalik ang pagmamahal sa nanay ko ngayong araw na ito at sa bawat araw ng buhay ko."
Hangad niya na ang lahat ng mga nanay ay makayanan ang bawat hamon na kanilang kinakaharap at malampasan nawa nila ang lahat.