'Pa-mine na lang po': Live selling sa social media patok na diskarte ng mga negosyante

live selling of fashion items in Facebook

The emergence of live selling during the pandemic gives customers a more engaging shopping experience. Source: Blessa Bonita

Sa gitna ng pandemic, natutong dumiskarte ang maraming nasa tahanan para kumita at makabenta gamit ang livestreaming nasaan mang bahagi ng mundo.


"Pa-mine na lang po!"

Yan ang madalas mapakinggan ngayon ng mga nahihilig mamili  online.

Pero hindi tulad ng nakasanayan mong click and add to cart items sa mga website, ide-demo, isusukat at ipapakita sayo ng seller ang bawat angulo ng item na kanyang binebenta sa tulong ng livestreaming sa social media tulad ng Facebook.

Dito sa Australia, unti-unti na rin itong umaagaw ng atensyon sa mga mamimili. Isa na rin live selling sa mga nauusong side-hustle at  at minsan ay fulltime na trabaho.

Basta may camera, internet, mahusay na sales talk at de kalidad na produkto, tiyak papatok ang online negosyo.


 Highlights

  • Sa datos ng Australian Online Shopping 2021 nasa 82 percent ng sambayanan ang namimili online habang 57 percent ang itinataas ng benta sa mga website at online platforms bawat taon.
  • Naging sikat ang pamimili sa pamamagitan ng live selling dahil ginagaya nito ang pakiramdam ng pagpunta sa isang pisikal na tindahan.
  • Ang live na pagbebenta ay higit na nakaka-engganyo at nakakaaliw dahil sa mabilis na ugnayan ng customer at seller kahit nasaang bahagi ng mundo. 

 

Sinubukan ng nurse at first time mummy mula Sydney na si Blessa De Maria ang pagbebenta ng damit online. Habang naka maternity leave, hindi sya nag-aksaya ng panahon para rumaket at kumita ng extra kasabay ng pag-aalaga ng kanyang baby.

At dahil fashionista at hilig din nya ang gumawa ng blogs at humarap sa camera, pinasok nya ang liveselling ng mga premium dress at binuo ang Blessa Bonita. 

Minsan ay nauubusan na daw sya ng sasabihin noong unang sumabak sa pagbebenta ng mga damit online, buti na lang to the rescue ang napaka-supportive nyang asawa na si Joseph. 

Dahil sa gabi madalas gawin ang live selling, isa pa sa naging hamon sa mag-asawa ang pagpapatahan o pagpapatulog sa kanilang baby bago magsimula ang bentahan.

Umaabot ng apat hanggang limang oras ang bawat streaming. Sa galing nilang magkumbinsi ng customers, nasa 80 hanggang 100 dresses ang kanilang nabebenta. 

Paunahan naman ang diskarte ng mga customer. Kung may isinukat na dress kang nagustuhan, kailangan mabilis ang mga daliri sa pagtype ng "Mine" at code ng damit para siguradong sayo mapupunta ang item. Pero tulad ng ibang tindahan, may ilang customer na nakikipag unahan pero hindi naman pala bibili. Yung iba, kapag oras ng bayaran, nawawala na parang bula.

Sila ang tinatawag na mga 'joy reservers at bogus buyers'. 

Pinapaikot pa lang puhunan pero para kay Blessa at Joe, malaki na ang naitulong ng kinikita sa liveselling lalo na para sa mga pangangailangan ng kanilang baby. Kaya naman pinagbubuti nila ang serbisyo at tinitiyak na maayos ang mga produktong binebenta online para balik-balikan ng mga miners.

Sa datos ng Australia Post, umakyat ng 13.6 per cent ang kita sa parcel at services revenue o 3.87 billion dollars mula nakaraang taon. Patunay na sa kasagsagan ng pandemya, nagkaroon ng malaking pagbabago sa paraan ng pamimili o paggastos ng mga tao.

Sa tulong ng teknolohiya, social media at determinasyon ng mga katulad ni Blessa, nabibigyan sila ng pagkakataon na magkaroon ng hanapbuhay at makatulong sa ekonomiya ng bansa. 

Paano magsimula ng live selling na negosyo

Nangungunang eCommerce platform sa Southeast Asia ang live selling dahil mas nagkakaroon ng mabilis na ugnayan sa customer ang mga seller.

Ayon kay Blessa at Joseph, pinakamahalagang bahagi ng pagbebenta ang pagsusuri ng mga produkto. Kung damit o fashion items, tiyakin na malinis at walang sira ang mga ito. 

Alamin ang detalye ng mga produkto tulad ng presyo, kulay, style, disenyo at mahahalagang impormasyon na makakatulong sa customer para bumili. 

Maaring i-display ang mga produkto sa bilang background ng iyong video para maka-agaw ng atensyon ng mamimili.

Tiyakin na mabilis ang internet connection at gumagana ng maayos ang mga device tulad ng camera, cellphone o laptop.

Mahalagang ipaliwanag ang rules ng iyong pagbebenta bago magsimula. 

Kung mahaba ang oras ng streaming, mahalaga rin na magkaroon ng palaro, entertainment o raffle na mas makakapag panatili ng iyong viewers.

Makakatulong rin kung may isang tao na nagmomonitor o naglilista ng mga item na nabili at detalye ng mga customer para sa mas mabilis na transakyon pagkatapos ng bentahan.


 


Share
Follow SBS Filipino

Download our apps
SBS Audio
SBS On Demand

Listen to our podcasts
Independent news and stories connecting you to life in Australia and Filipino-speaking Australians.
Understand the quirky habits of Aussie life.
Get the latest with our exclusive in-language podcasts on your favourite podcast apps.

Watch on SBS
SBS News in Filipino

SBS News in Filipino

Watch it onDemand