Highlights
- Simula ngayong Pebrero, isasagawa na ang vaccine rollout sa Australia.
- May ilan pa ring mga kababayan ang nag-aalinlangan magpabakuna.
- Para sa mga hindi pa handang tumanggap ng bakuna, mahalaga ang kumpleto at tamang impormasyon para madagdagan ang kanilang kumpyansa.
Nababalitaan ng 78-taong-gulang na si Romeo Domingo ang nalalapit na vaccination rollout sa Australia. Masaya siya sa pagkadiskubre ng bakuna na pipigil sa pagkalat ng coronavirus.
"Maganda pong balita na magkakaroon ng vaccine rollout bago magkatapusan ng February para sa ting mga kababayang Pilipino at lahat ng Australians."
Prayoridad ang mga nakakatanda sa ikinasang COVID vaccine rollout. Pero aminado si Romeo na may pag-aalilangan sya sa pagpapabakuna.
"Gusto ko muna pong makita ang magiging reaksyon ng vaccine sa ibang matatandang katulad ko dahil alam nyo naman po ang matatanda ay mahina ang resistensya"
Senior Vice President ng grupong FILSPARC o Filipino Sports Arts & Recreational Club si Romeo. Kahit sa kanilang samahan ay di pa gaanong natatalakay ang usapin ng pagpapabakuna.
Mahalaga ang pagpapakalat ng tamang impormasyon tungkol sa vaccine
Marami sa kanila ang naghahanap ng impormasyon tungkol dito na magbibigay kasiguraduhan na ligtas at mabisa ang vaccine para sa lahat.
"Ang unang dapat natin alamin ay kung ito ba ay safe sa mga matatandang tulad namin."
"Ako at ang asawa ko lamang ang magkasama sa bahay kaya kahit may napapanood sa telebisyon tungkol sa vaccine ay hindi pa rin namin mapagdesisyunan kasi kahit sa Pilipinas hindi pa rin nila nasusubukan."
Umaasa si Romeo na magkakaroon ng magandang resulta ang vaccine sa mga makakatanggap nito.
Kung papipiliin, mas gusto sana nyang hintayin ang Oxford-AstraZeneca vaccine.
"Sa pamamagitan ng mga news, sinasabi po nila na yung AstraZeneca ay mas mabuti kasi isang beses ka lang tuturukan dahil ang Pfizer dalawang beses ka magpapaturok."
Mahalaga para sa kanila ang kumpleto at tamang impormasyon para madagdagan ang kumpyansa sa pagtanggap ng coronavirus vaccine. Inaasahan din ng mga katulad ni Romeo na magiging prayoridad ang kaligtasan at kalusugan ng bawat isa.
Vaccine rollout sa Australia
Samantala, ang planong pamamahagi ng vaccine sa Australia ay hahatiin sa limang bahagi.
Unang makakatanggap ng bakuna ang mga aged and disability care staff at residents, nagtatrabaho sa borders at quarantine, at mga priority frontline healthcare workers.
Sa ikalawang bahagi ng vaccination nakalinya ang mga nasa edad 70 pataas, Aboriginal and Torres Strait Islander peoplena edad 55 pataas, mga taong may underlying medical conditions or may kapansanan at mga nasa critical, high-risk workers tulad ng emergency services at iba pang healthcare workers.
Kasunod nito ang mga nasa edad 50 to 69, lahat ng Aboriginal and Torres Strait Islander adults, at iba pang critical, high-risk workers.
Pang apat sa pila ang mas nakararaming residente na nasa hustong gulang at pinakahuli ang mga bata kung irerekomenda.
BASAHIN DIN





