Highlights
- Nakaugalian na ng mga Pilipino na magpadala ng balikbayan box.
- Kahit matagal at mahirap punuin, marami pa din ang nagpapadala dahil hatid nito'y saya sa mga napadalhan.
- Kung di makapagpadala ng box, ang iba ay nagpapadala na lamang ng pera
Magtatatlong buwan na pero hindi pa rin mapuno ng 34 anyos na si Cherry Arevalo ang balikbayan box na kanyang binili mula sa isang Asian shop sa Mackay.
Dahil pandemic at delikado pa rin na umuwi ng Pilipinas, nagdesisyon siyang magpapackage na lamang ng mga bagay sa kanyang pamilya sa Bacolod.
Mga bagay na karaniwang pinapadala
Aminado siyang hirap siyang punuin ito lalo at maliit lamang ang kanyang kinikita sa pag ha-housekeeping sa isang hotel.
Kaya naman todo abang siya sa mga shop kapag Miyerkules dahil tiyak madaming item ang naka half-price sa mga mall.
Nariyan ang Spam, corned beef, mga gatas, kape, sabon, shampoo at kung ano ano pa.
"Pinakamadami ang sapatos, tsaka damit, delata, gatas para sa papa ko at chocolate malamang."
Gusto rin daw niya na mapasaya kahit paano ang kanyang ama na isang magsasaka, na lagi lamang nakatapak dahil sa hirap ng buhay sa probinsya.
Kaya nang malaman niyang sale ang isang tindahan ng sapatos dala niya ang mga papel na may hulma o drawing ng paa ng kanyang ama, anak, kapatid at ibang malapit na kamag-anak para tiyak ang sukat.
"Siyempre para makatikim naman ng branded si Papa, he never get branded.
Sapatos ang madami ko ng nabili sale naman 40% minsan 50%."
Pero minsan sa kabila ng pagmamahal na binibigay niya hindi maiwasan na magkaroon siya ng hinanakit sa kanyang pamilya at sa ibang mga kamag-anak.
"Of course always 'yan ang pakiramdam parang kunyari “ they always ask favor from me, then if I ask favor from them I have to pay that’s it”
Sisikapin daw niyang mapuno iyon bago ang ika-apat ng Hulyo. Tinatayang aabutin ng $2,000 ang halaga bago iyon mapuno, dagdag pa ang shipping fee na $170.00 para sa 70 kilos.
"Pag sa Maynila lang mga one month something like that but if sa province siguro three months, depende."
Mga gamit galing second-hand shops
Ang mga gamit mula sa mga second hand shop naman ang ipinapadala ni Edmundo Manalang sa kanyang mga kamag-anak sa Pilipinas. Konting repair lang tiyak na gagana, nariyan ang welding machine, grinder, at maging makina sa patubig sa bukid.
Ayon kay Edmundo malaking bagay na ang mga iyon sa kanyang mga kamag-anak sa probinsya na ginagamit sa pag-aalwage o mga construction worker.
Ang racer bike na kanyang nabili online sa halagang $150.00, kinalas pansamantala binalutan ng tuwalya at lumang damit saka isinilid sa isang kahon $120.00 ang halaga ng pa-shipping patungong Pilipinas.
Box o Pera padala?
May iba naman na mas gusto ay pera na lamang ang ipadala, mas madaling matangap lalo kung may money transfer application sa cellphone.
May iba naman na nadala nang magpadala dahil sa tagal nitong dumating lalo ngayong pandemic, minsang nag papackage si Lucy Arias sa kanyang anak na kakapanganak lamang.
Halos nasayang lahat ang damit at sapatos dahil dumating ang package hindi na kasya sa kanyang apo. Ang nakinabang mga kapitbahay nila.
Tinatayang 1980’s nagsimula ang pagpapapackage ng mga Pinoy na nag tuloy tuloy na hangang ngayon.
Tunay nga na hindi mahahadlangan ng distansya o kahit ng pandemic ang pagmamahal ng Pinoy sa kayang pamilya saan mang panig ng mundo.
BASAHIN/PAKINGGAN DIN




