Key Points
- Mainit na pinag-usapan sa Pilipinas, TV series na 'Maria Clara at Ibarra', itinuturing ng mga manonood na isa sa pinakamahusay na palabas sa telebisyon na tema ng kasaysayan.
- Mga natatanging lugar sa Australia na magandang bisitahin ngayong taglagas.
- Clean Up Australia Day isinagawa sa buong Australia, ilang grupo ng mga Pilipino nakibahagi.
Maria Clara at Ibarra
May isang linggo na mula nang huling episode ng Philippine television drama fantasy series na 'Maria Clara at Ibarra' na ipinalabas sa GMA Network, pero patuloy na pinag-uusapan ito ng mga tumangkilik sa palabas at mga taga-hanga.
Ang serye sa telebisyon ay ibinase sa mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr Jose Rizal.
Itinuturing ng mga sumubaybay sa palabas na isa sa pinakamahusay na serye sa telebisyon na may temang kasaysayan.
Pangunahing gumanap sa serye sina Barbie Forteza bilang Maria Clara "Klay" Infantes, Julie Ann San Jose bilang Maria Clara "Clarita" de los Santos y Alba at Dennis Trillo bilang Juan Crisostomo Ibarra Y Magsalin. Ito ay sa direksyon ni Zig Dulay.
Ang kwento ay umikot sa dalagang si Klay Infantes, isang Gen-Z nursing student na nadadala sa lugar o pinangyarihan ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Gumanap din sa teleserya ang mga aktor na sina David Licauco (Fidel), Manilyn Reynes (Narcisa), Juancho Triviño (Padre Bernardo Salvi), Tirso Cruz II (Padre Damaso Verdolagas), Andrea Torres (Sisa), Juan Rodrigo (Kapitan Tiago) at marami pang iba.

Bright in Victoria is just one of the places to visit during autumn if you want a perfect autumn-colour photo with lots of deciduous trees between March and May. Credit: Jhaine Estorque
Mga lugar na magandang bisitahin kapag taglagas
Ayon sa Finder, isa ang Blue Mountains sa New South Wales sa hindi nakakasawang lugar na bisitahin kapag tagalagas dahil sa mga talon, hardin at mga botanical garden na makikita sa lugar.
Tatlong oras naman mula sa Sydney, hindi mapapahiya ang lugar ng Orange kung saan makikita ang mga luntiang puno at mga kulay pula, orange at dilaw na siyang mga kulay ng taglagas. Tinagurian na "Australia's Colour City", ang Orange ay puno ng lokal na kasaysayang, mayang kultura, makasaysayang mga gusali, at dito rin makikita ang ilan sa mga pinakamasarap na pagkain at alak sa Australia.
At kung kulay din lang naman ng taglagas ang iyong hanap, maganda ring bumisita sa Armidale,NSW at sa mga kalapit nitong lugar. Hindi ka mabibigo sa mga kulay na iyong makikita.
Sa Victoria naman, sa pangalan pa lang ng lugar siguradong sasaya ka sa mga kulay na iyong makikita sa Bright, Victoria.
Magagandang lambak at mga taluktok ng bundok, malinis na ilog at mga daanan na marami ang nagbi-bisikleta ang ilan lamang ang magpapasigla syo sa lugar.
Ang unang bahagi naman ng taglagas ay panahon ng anihan sa Yarra Valley, magandang panahon din ito para bisitahin ang first-rate wine region.
Ang bawat estado sa Australia ay may kanya-kanyang yaman na lugar na hindi dapat palampasing bisitahin tuwing panahon ng taglagas.
Sa South Australia, tinagurian bilang 'festival city' ang Adelaide, partikular na matutunghayan sa panahon ng autumn ang Adelaide Fringe Festival at WOMADelaide sa siyudad.

WOMADelaide in Adelaide, South Australia. Credit: Grant Hancock, South Australia Tourism Commission
Road trip naman ang pinakamahusay na paraan para makita ang naggagandahang mga pasyalan sa Tasmania. Isa sa pinaka-natatanging karanasan na mangyari sa pagbisita sa estado ay ang tinatawag na 'turning of the Fagus' kung saan sa konting sandali masasaksihan ang pag-iiba ng kulay ng Tasmanian Deciduous tree mula berdeng dahon at nagiging pula, orange at ginto.
Sa Western Australia, nagbabagong anyo ang Cottesloe Beach tuwing buwan ng Marso, makikita sa tabing-dagat ang pansamantalang sculpture park para sa Sculpture by the Sea exhibition.

Merle Topsi Davis. 'Sea Anomalies 3', Sculpture by the Sea, Cottesloe 2022. Credit: Martine Perret (through the Sculpture by the Sea)
Clean Up Australia Day
Tuwing unang katapusan ng linggo sa buwan ng Marso, ginagawa sa buong Australia ang 'Clean Up Australia Day.

The Filipino community in Sydney worked hand-in-hand to clean the area surrounding Rizal Park in Rooty Hill, NSW this Clean Up Australia Day, March 5. Credit: Supplied by Rod Dingle
Sa nakalipas na ilang taon, nakikibahagi ang mga myembro ng komunidad Filipino sa Sydney para sa malawakang paglilinis na ito.
Ngayong taon sama-samang nakibahagi sa paglilinis ang ilang myembro ng Filipino Australian Movement for Empowerment (FAME), Knights of Rizal, Pangasinan Association, Pozorrubians Downunder, at iba pang organisasyong Pilipino na kaanib ng Philippine Community Council of NSW.