Sampung taong gulang lamang si Glyssa Perez nang masuri na may breast cancer ang kanyang ina na si Yolie. Hindi niya akalain na magbabalik ang sakit ng ina makalipas ang mahigit siyam na taon.
Ngunit imbes na panghinaan ng loob ang dalaga mula Sydney, ginamit niya ang pinagdaanan ng kanyang ina upang makatulong sa daan-daang ina na mayroong breast cancer.
Mga Highlight
- Dalawang beses na nasuri na may breast cancer ang ina ni Glyssa Perez, ginawa niya itong inspirasyon para makatulong sa mga taong may parehas na sakit.
- Bago pa man ang kanyang titulo na "Beauty with a Purpose" sa Miss World Philippines 2019, abala na si Glyssa Perez sa mga kawanggawa na tumutulong sa mga kababayan sa Pilipinas.
- Ang proyektong "You are Worthy" na binuo sa pakikipagtulungan sa Kasuso Foundation, ay tumutulong sa mga pasyenteng may breast cancer na magkaroon ng kalidad na buhay at pangalagaan ang mental at pisikal na kalusugan.
“My family has always been the backbone of my pageant journey, pero si mummy, she’s the one who really encouraged me and pushed me," pagbabahagi ng kasalukuyan at kauna-unang Miss Philippines Tourism sa ilalim ng Miss World Philippines organisation.
Si Bb. Perez ay spokesperson para sa Philippine Foundation for Breast Care Inc (Kasuso Foundation), ang tanging grupo nagbibigay suporta at nagtataguyod sa isang breast care center sa isang pampublikong ospital sa Pilipinas.
Bilang bahagi ng kanyang gawain sa Kasuso Foundation, sinimulan ng beauty queen ang kanyang "You are Worthy" project upang ibahagi sa mga pasyenteng may breast cancer na hindi sila nag-iisa at may suporta na maaari nilang magamit sa kanilang pagharap sa kanilang sakit.
Nakatuon ang programa sa pagpapayabong ng kalidad ng buhay ng mga pasyente na tumutulong sa kanilang mental at pisikal na kalusugan.
Kasama sa mga gawaing pinangungunahan ni Glyssa ang isang exercise-based and mindfulness-wellness program na binubuo ng Zumba, meditation, yoga at mga ehersisyo sa paghinga.

Glyssa leads the meditation, yoga and breathing exercises to help patients with their mental and physical well-being. Source: Supplied
"This is something I wish my mother did, to take better care of her health and to make more time for herself," anang dalaga.
“I missed out on the opportunity to be there for my mum when she was diagnosed and the fact that she was diagnosed again and I was not beside her during that time, patients with breast cancer are truly close to my heart", dagdag ng Kasuso spokesperson.
Taong 2016, nang magdesisyon si Glyssa Perez na umuwi nang Pilipinas para tuparin ang pangarap na sumali sa beauty pageant kasabay ng hangarin na makatulong sa mga kababayan.
Sa parehong taon, isang buwan bago ang nakatakdang pag-uwi sa bayan ng kanyang ina, doon nasuri na bumalik ang breast cancer ng kanyang ina.

"A mother’s love is special. Mothers would do anything for their child even though they are going through something so heavy". Source: Supplied
Taong 2006 nang unang ma-diagnose ang ina na may breast cancer.
Hindi na dapat matutuloy si Glyssa sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas, ngunit iginiit ng kanyang ina na dapat niyang ituloy ang plano nito at hindi dapat na mahadlang ng sakit ng ina.
Sa kalaunan, natuloy ang dalaga sa kanyang mga kompetisyon sa Pilipinas at kasabay nito ang kanyang mga gawain para makatulong sa mga kababayan sa Pilipinas lalo na sa mga nanay na humaharap sa breast cancer.
Sa kanyang ikalawang pagsali sa Miss World Philippines noong 2019, bukod sa titulo na Miss Philippines Tourism, nakuha din niya ang "Beauty with a Purpose" award na kumikilala sa mahalagang gawain niya sa kawanggawa.
Taong 2017 nang una siyang sumali sa Miss World Philippines kung saan nakuha niya ang 1st Princess crown.
Bagaman nasa Sydney ngayon si Glyssa dahil sa mga umiiral na lockdown kaugnay ng coronavirus, patuloy naman ang pakikipag-ugnayan niya sa Kasuso Foundation at pagbibigay ng kamalayan sa mga tao tungkol sa breast cancer.
Tatlo sa bawat 100 kababaihang Pilipino ay masusuri na may breast cancer sa kabuuan ng kanilang buhay, ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority at Department of Health.