Highlights
- Di lahat ng healthcare worker ay maaring makatanggap ng Special Risk Allowance
- Ang ilang mga empleyado tulad ng cashier sa ospital at receptionist ay nahaharap sa kaparehong panganib tulad ng ibang health care workers
- Marami ang natatakot para sa kanilang kaligtasan
Si Harlene Martin Pereyra ay nakapagtapos ng BS Nursing. Sa kasalukuyan siya ay nagtatrabaho bilang swabber at marketer at nagte-training na maging isang phlebotomist o kumukuha ng dugo ng mga pasyente sa isang diagnostic center sa Paranaque.
Kabilang siya sa mga nagrereklamong hindi nakatatanggap ng Special Risk Allowance, kahit halos araw-araw, humaharap siya sa mga pasyente bilang swabber.

"I hope they listen to our concerns. We risk our lives, what we do is not an easy task" Harlene who works as a COVID swabber is not eligible for Hazard Pay Source: Harlene Martin Pereyra
Ang sabi ni Harlene, minsan lang siya nakatanggap nito, at iyon ay nuong ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine o hard lockdown sa Metro Manila at mga karatig-probinsya, mula nuong Marso hanggang Abril ng nakalipas na taon.
Aniya "Hindi na po nasundan. Tinanggal po nila yung allowance namin, actually, 500.00 pesos po ‘yun . Kasi, di na po daw lockdown.”

Harlene also works as a phlebotomist but is not eligible for the Special Risk Allowance Source: Harlene Martin Pereyra
Hindi patas sa lahat
Bukod dito, tumanggap din si Harlene at ang kanyang mga kasama sa trabaho na five thousand pesos mula sa kumpanya, at in-advance ang kanilang 13th month pay nuong lockdown, bilang tulong dahil hindi sila nakapag-trabaho at walang kita.
Para kay Harlene, dapat ang lahat ng healthcare workers ay nakatatanggap ng Special Risk Allowance. “Parang napaka-unfair sa ‘min. Kasi yung ibang frontliner, lalo na po yung nagtatrabaho sa hospital, ‘yun po, mayroon silang mga hazard (pay)…” hinaing ng health care worker
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque the Third , dapat baguhin ang batas para makatanggap nito ang lahat ng health workers.
Marami na nga raw kumukwestyon sa batas na ito, pati ang mga kasamahan ni Harlene.
Marami aniyang anyo ang frontliners, “Nagku-kwestyon din po yung mga ano namin. Kasi bago po makarating sa Rad Tech, bago po makarating sa Ultrasound Tech, humaharap po ang pasyente sa Information, sa Cashier, so exposed din po sila, ‘di ba?”
Mas mabuti na kaysa sa wala
Pero kahit ramdam niyang “unfair,” mas mabuti na raw para kay Harlene na may trabaho siya, lalo’t marami ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. “Kahit na ‘di po namin natatanggap yung dapat na natatanggap namin, ‘yun pong work namin is malaking tulong na po sa amin.” pasasalamat ni Harlene.
Bukod sa minsan lang nakatanggap ng allowance ngayong pandemya, tinamaan din ng Covid-19 si Harlene. “March 30, 2021. Ako po ‘yung kauna-unahang nagka-COVID sa PUDC. Nagpi-prick, as a phlebotomist po. May on-site. Na-expose po ako. So lagi rin po kasi akong nasa labas kasi Marketing po ako. Dahil pumapasok po ako sa mga hospitals. Labas-pasok po kami sa clinic nang hindi kami naka-PPE.”
Tuloy ang serbisyo
“ Nakaranas po talaga ‘ko ng symptoms. Actually, nahirapan po ako huminga. Tapos, namutla po ako. Bumaba talaga ‘yung ano ko, oxygen level po.” bahagi ni Harlene sa naging karanasan.
Gumaling si Harlene. At ngayon, fully vaccinated na Kahit maraming hamon, masaya daw si Harlene bilang isang health worker dahil nakapaglilingkod siya sa publiko.
At ngayon mas handa na siya “May kaalaman na tayo, pagka, nagkaroon tayo ng ganito, alam na natin ang gagawin natin. Na-lessen din ‘yung takot dahil din sa vaccine. Dahil alam natin na may panlaban na tayo.” Ang hiling ni Harlene, “Sana po mabigyan ng pansin yung mga hinaing ng mga health workers dahil hindi biro, hindi po, ahhh, ganuong kadali ang humarap sa isang may covid. Yung trabaho po namin, halos, buhay po ang kapalit.”
ALSO READ / LISTEN TO