Ang pag-aaral ng wika ay walang pinipiling edad o limitasyon, maaaring matuto sa silid-aralan o maging sa labas din. Pakinggan ang pagbabahagi ng mga batang ito mula Central Coast ng kanilang masaya at kapana-panabik na paglalakbay sa pag-aaral ng wikang Filipino.
Key Points
- Bilang ikalimang pinakamalaking komunidad ng migrante sa Australia, na may mahigit 310,000 residenteng ipinanganak na Pilipino na naninirahan sa bansa ayon sa 2021 Census, ang Filipino ay kabilang sa pinakakaraniwang wikang sinasalita sa buong Australia.
- Para sa mga nakababatang henerasyon ng mga Filipino Australian, ang pag-aaral ng Filipino ay nagbibigay ng mas malalim na koneksyon sa kultura, kasaysayan, at komunidad ng Filipino.
- Isang grupo ng mga magulang na Pinoy sa Central Coast, kasama ang Filipino Class sa Gosford, ay lumikha ng mga masasayang aktibidad upang panatilihing interesado ang kanilang mga anak sa pag-aaral ng wika at kulturang Filipino.
Pinapatakbo ng mga boluntaryo at sinusuportahan ng New South Wales Department of Education, ang Filipino Class tuwing Sabado kapag may pasok ang mga bata sa eskwelahan ay pinamumunuan ni Vavette Castro, isang dating guro sa Pilipinas na ang hilig ay magturo ng kanyang sariling wika sa mga bata sa Central Coast.

Nitong Agosto, sa pagdiriwang ng Pilipinas ng Buwan ng Wka, ang kanilang klase ay nagkaroon ng pagku-kwentuhan sa Erina Library, tampok ang mga natatanging kwentong Pilipinong pambata.





