Mga Pinoy na sabik ng umuwi sa Pilipinas, planado na ang kanilang Pasko

Agnes Beluang family.jpg

Ang makita ang mga magulang at kaanak ang dahilan ng pamilyang Beluang mula Wollongong, New South Wales para umuwi sa Pasko. Source: Agnes Beluang

Alamin ang mga kinagigiliwang gawin ng mga Pinoy sa pag-uwi, Department of Tourism may idinagdag na mga bagong lugar na pwedeng pasyalan at Konsulado ng Pilipinas nagpa-alala sa 30 araw Visa-free privilege at Balikbayan privilege para sa mga babyahe sa Pilipinas.


Key Points
  • Simbang-gabi, reunion at pagkaing Pinoy ilan lang sa mga dahilan ng pag-uwi ng mga Pilipino sa pasko
  • Department of Tourism dinagdagan ang tourist destination sa bansa na maaaring pasyalan ng mga turista at balikbayan
  • Pilipinas may handog 30 araw na visa-free sa mga dayuhan at mga balikbayan at kasamang kaanak maaaring magbakasyon sa bansa hanggang isang taon sa pamamagitan ng Balikbayan Privilege
Dalawang taon pa lang si Agnes Beluang sa Australia pero sabik itong makauwi ngayong Pasko dahil sa mga magulang.

Ilang taon ding hindi ito nakauwi sa Bicol dahil sa pandemya, kaya bago ito umuwi ngayong Disyembre tinodo na nito ang pagtatrabaho para makapag-ipon para sa bakasyon kasama ang buong pamilya.

“Routine na namin magtrabaho dito, pagkagising trabaho na agad kaya time naman magbakasyon ng enggrande. Gusto ko makasama ang magulang ko dahil iba pa din kapag andyan sila, hindi ko kasi alam hanggang kelan ang buhay nila," kwento ni Agnes.

La estrella de Belén
Credit: Public domain
Sabi ni Agnes nang dumating sila sa Wolonggong dito sa New South Wales, pilit nilang binubuhay ang tradisyon sa Pasko at Bagong Taon para mawala ang pagka-homesick.

"Malungkot dahil kami lang apat sa bahay, nung new year may nakilala na kami dun kami sa kanilang bahay nagdiwang pero pagpatak ng 12 midnight nasa bahay na kamii kasi diba ganun yon sa atin, " dagdag pa nito.

Dahil magpapakain ang pamilya sa kanilang lugar sa bilang pasasalamat
ang anak nitong si Mark Angelo dumidiskarte na din sa isang shop bilang mekaniko para paghandaan ang kanilang pag-uwi, dahil kahit siya nami-miss ang buhay sa Pilipinas tuwing pasko.

“ Gusto kong gawin ang simbang gabi at mga pagkain, totally lahat ang nami-miss ko ang pagdiriwang ng pasko sa atin, " saad pa ni Mark Beluang.

Si Jenica Princess Sagun naman excited muling makapiling ang kaanak ng kanyang mga magulang sa Luzon at gusto niyang muling maranasan ang tradisyon tuwing Pasko.

Pitong taong gulang lang ng umalis sa bansa si Jenica, at bihira itong makauwi.

“Nami-miss ko ang family, marami kasing kaanak ang Mama ko dun. Na-miss ko din ang pagkain tulad ng adobo, lumpia, pancit at lechon.

Gusto ko ulit maransan ang yong buong pamilya nag-aantay sa noche buena," kwento ni Jenica.

Kasama sa pag-uwi ni Jenica ang kanyang Australyanong nobyo, para libutin ang magagandang lugar sa bansa.

"We will visit Palawan at Boracay kasama ko ang partner ko he is an Australian.”

Pinaghandaan din nila ang pamimigay ng pasalubong sa mga kaanak.

"Hopefully, they like Australian chocolates," dagdag pa nito.

Dhemz Mahood3.jpg
Si Dhemz Mahood kasama ang mga kaibigan ay dumalo sa ginanap na Philippine Christmas Festival sa Sydney noong ika-22 ng Oktubre 2022. (L-R Mrs. Sagun, Mrs. Baker at Dhemz Mahood) Soure: Josefina Baker
Magrelax at maranasang muli ang simpleng buhay sa Northern Samar ang gustong gawin ni Dhemz Mahood mula Central Coast kasama ang kanyang mga kapatid at kaanak.

"Gusto kong yong kainan kasama ang pamilya. At dun sa farm namin dun kami matutulog, tapos magsaing gamit lang ang kahoy tapos, kumain ng mga kakanin na wala dito.

Pero may gustong gawin si Dhemz na dati pa nitong ginagawa bago ito napunta sa Australia.

"Gusto ko muling sumama sa carolling...(tumatawa at kumanta ng 'Ang pasko ay sumapit') At sa araw ng pasko may get together may sayawan sa daan yong disco, " masayang kwento ni Dhemz.

Josefina Baker.jpg
"Sa Pilipinas ko naramdaman ng tunay na selebrasyon ng Pasko," ayon kay Josefina Baker na tubong General Santos City. Source: Josefina Baker
Si Josefina Baker naman mula General Santos City ay sabik gawin ang tradisyon ng mga Pilipino tuwing pasko.

"Nami-miss ko yong pasko, kasi dito walang misa de gallo, yong spirit ng pasko parang wala dito nako ang tahimik," sabi ni Josefina.

Masaya din siyang uulit-ulitin ang ginagawa kasama ang asawa kapag araw ng pasko.

“Iniipon namin ang mga bata sa kapitbahay tapos mamimigay ng regalo tapos talagang namimili kami ng mga candies at tsokolate dito para sa kanila.”

Eleanor Palima-DOT.jpg
Australia ang pumapangatlo sa nangungunang turista na dumarayo sa Pilipinas ayon sa Department of Tourism. Source : Eleanor Palima
Ikinagagalak namang ibahagi ng Administrative Officer ng Department of Tourism sa Pilipinas na nakabase dito sa Sydney at New Zealand na si Eleanor Palima pumapangatlo na pumapangatlo ang bansang Australia sa mga turista sa bansa, una dito ang United States, pumapangalawa naman ang South Korea.

Maliban sa Boracay, Cebu, Bohol at Palawan ikinampanya din nila ang magagandang lugar sa Pilipinas na hindi pa gaanong pinupuntahan ng mga turista pero kasing ganda ito ng mga sikat na destinasyon sa bansa.

 "Maaari nilang bisitahin ang Dumaguete, Coron na popular din sa wreck diving, island hopping. For the families they want something na combination may nature sand and beaches so Bohol is popular too. Para naman sa surfing Siargao and Pagudpud in the north, sumisikat din ang Baguio at Cordillera dahil sa rice terraces."

May paalala naman si Consul Emmanuel Donato Guzman mula sa Philippine Consulate sa Sydney para sa mga babyahe pauwi sa Pilipinas, naibalik na ng bansa tinatawag na Visa-free Privilege.

"Ang visa-free privilege para sa mga Australian passport holders ay 30 days, kung ang bakasyon ninyo sa Pilipinas ay less than 30 days hindi na kailangang kumuha ng visa, makikita iyon sa airline ticket pagpasok sa immigration.

Sa mga dual citiizens (Filipino-Australian) kung ang gamit nila ay pasaporte ng Pilipinas wala silang probelam kahit gaano sila katagal manatili sa bansa," paliwanag ni Consul Guzman.

Dagdag nito maaari ding mag-apply ng Balikbayan Privilege para sa mga dating Pilipino na foreign passport holders na ngayon pati ang buong pamilya nito dapat lang tumungo sa website ng Philippine Consulate sa sydneypcg.org para sa karagdangang mga kinakailangan.

“Kahit gamit niyo ay Australian passport pero dati kayong Filipino, so you can now invoke the Balikbayan Privilege.

Ito ang privilege na binigay ng Bureau of Immigration sa mga balikbayan kasama ang kanilang pamilya na kasama nila sa byahe, kahit pa Australian passport holders ang mga ito. Maaari silang manatili sa bansa ng hanggang isang taon," dagdag paliwanag ni Guzman.

Kailangan lang magpakita ng pruweba sa Bureau of Immigration ang dating Filipino at relasyon nito sa mga kasamang bumyahe tulad ng pasaporte, marriage contract o birth certificate.

Para sa karagdagang impormasyon at serbisyo maaaring bisitahin ang website ng Philippine Consulate sa Sydney sa sydneypcg.org at website ng Bureau of Immigration o ang Philippine Embassy sa Canberra sa philembassy.org.au para mas maging maayos ang pagbabakasyon.

Share
Follow SBS Filipino

Download our apps
SBS Audio
SBS On Demand

Listen to our podcasts
Independent news and stories connecting you to life in Australia and Filipino-speaking Australians.
Understand the quirky habits of Aussie life.
Get the latest with our exclusive in-language podcasts on your favourite podcast apps.

Watch on SBS
SBS News in Filipino

SBS News in Filipino

Watch it onDemand