Matapos ilabas ang kanilang komposisyon, marami ang namangha at nakuha nila ang respeto ng tao, sa musika na kanilang kinahihiligan.
Nagpasalamat din sila sa mga naunang musikero dahil sa maganda nilang ambag sa larangan nga hiphop music.
Highlights
- Pagkakaibigan, respeto sa isa't-isa at pagkahilig sa hip hop music ang matatag na pundasyon ng Pinoy DownUnder
- Sekreto ng magandang komposisyon ay ang sulat na nagsasalamin sa tunay na buhay at pangyayari na kapulutan ng aral at inspirasyon hindi yong kathang isip lang
- Maganda ang may ini-idolo sa rap, pero kailangan maging totoo sa sarili sa pagsulat at performance
Ang komposisyon nilang "Bingi" at "Okay Lang" ay dalawa lang sa marami nilang komposisyon na nagbigay sa grupo ng break para mas makilala dito sa Sydney, Australia sa larangan ng kanilang nahiligang hip hop music.
Inspirasyon ng grupo ang mga sikat na Pinoy rappers gaya nila Francis Magalona, Gloc 9, Andrew E , Shanti Dope at marami pang iba na namamayagpag pa sa ibang bansa.
Gaya ng kanilang mga idolo, tagos sa puso ang kanilang mga komposisyon, na hango sa mga social issues, karanasan sa buhay at mga nangyayari sa paligid na gusto nilang ibahagi nang kapulutan ng aral at inspirasyon.

Source: Clyde Bersamin Dulce
Pagsisikapan ang mga pangarap na gustong makamit
Taong 2020, ang mga magkakaibigang sila Clyde Murphy, Jepsy at 22 , ay nadagdagan ng tatlo pang myembro na sila AJ Goodlife, Traffin M at A.
Aminado silang mga artists, dahil gusto nila ang kanilang mga ginagawa, kahit may kanya-kanyang silang mga trabaho, binigbigyan nila ng panahon para makapag-ensayo at magawa ang kanilang musika.
"Pagkatapos ng trabaho, binibigyan talaga namin ng oras na makapag-ensayo o kaya gagawa ng verse kasi parang stress reliever din sya para sa amin."
I-angat ang imahe ng rappers

Source: Clyde Bersamin Dulce
Nagtutulungan din sila para lumabas na maganda ang kanilang komposisyon.
"Kapag may sinusulat kaming verse o lines, pinapakita namin sa grupo kung tama ba para talagang lumabas na maganda ang komposisyon namin."
Pinagsisikapan ng grupo na itayo ang magandang imahe ng mga rappers dahil maraming maling kuro-kuro o misconception tungkol sa pagrarap.
"Nung dati minamaliit ang rappers, kapag nakakakita sila ng may tattoo sabi masamang tao pero may mga na-astigan din. Salamat sa mga naunang rappers sa maganda nilang ambag sa larangan ng musika."
At dahil marami ng rappers ang may magandang naiambag sa larangan ng musika pinoy man o ibang lahi, ngayon masasabing marami na ang tumitingala sa kanila at humuhugot ng inspirasyon. Para mapanatili ang magandang imaheng ito, hindi nagsasayang ang grupo, tinodo na nila ang kanilang paggawa ng musika.
Musika kailangan ay sumasalamin sa tunay na karanasan
"Gumagawa kami ng komposisyon tungkol sa buhay ng tao, karanasan namin dahil alam namin ito ay totoong pangyayari at sumasalamin ito sa aming buhay din. Kaya alam namin nakakarelate sila."
Hindi naman nabigo ang grupo dahil nararamdaman nila ang suporta at pagmamahal ng kanilang mga manonood.
" Nangangarap din kami na sumikat at kumita balang araw, pero ang kagandahan ngayon ay nirerespeto na kami ng tao. Minahal nila ang aming musika ."
Naging posible ang narating ngayon ng grupong Pinoy DownUnder dahil sa matatag na pundasyon, bagay na ipinagmamalaki ng grupo, ito ay ang kanilang namuong pagkakaibigan na puno ng respeto.

Source: Clyde Bersamin Dulce
"Nagbo-bonding muna kami para makilala namin ang isa't-isa bago kami naging grupo, mas madali kasi ang ginagawa lalo na ang pagsusulat ng lyrics kapag kilala nyo isa't-isa. Yon na parang pinagtagpo kami ng tadhana."
Pagtutulungan, susi sa magandang samahan at angas na komposisyon

Source: Clyde Bersamin Dulce
Patunay sa kanilang magandang samahan, nagtutulungan sila para makompleto ang kani-kanilang mga gadgets sa recording, para makapag-ensayo sila lalo na nitong may pandemya.
At ngayong papalapit ang pagbubukas ng border ng Australia sa ibang bansa, di na magtatagal matutuloy na ang nakakasang planong event at collab projects ng grupo kasama ang ibang rappers mula dito sa Australia at Pilipinas.
May payo din ng grupo sundin lang ang tibok ng puso sa pagsusulat at pag-rarap.
"Just be true to yourself. Dapat may ka-jamming sa pagpraktis para masanay ka at dapat iparinig sa kasama, huwag matakot magkamali. Masanay ka na gumawa ng verse na magkatugma at may kabuluhan."
Dagdag pa ng grupo, dapat ding makinig sa musika ng iba, dahil natuto ka sa kanilang komposisyon at dahil sa inpirasyon ng iba, nagagawa mong mabuti ang iyong kanta. Mgabaon din daw ng mahabang pasensya at determinasyong matuto dahil hindi isang upuan ang matuto agad sa pagrarap.
"Kapag patuloy ang practise na may ka-jamming magugulat ka lang lalabas ng kusa ang mga magagandang ideya at salita at huwag din magmadali dahil kahit may pangarap na sumikat, mas importante pa din ang kakayahan na gumagawa ng komposisyon."
Nasubukan din ang galing ng grupo ng biglaang rap challenge, tungkol sa maiinit na isyu sa paligid, gaya ng kalayaan, bakuna, plantito at plantita, toilet paper at eleksyon. Laking pasasalamat din ng grupo sa mga kababayan dito sa Australia sa walang sawang suporta.
Pangarap ng grupo maitayo ang bandila ng mga Pinoy sa larangan ng musika dito sa bansang tinuturing na pangalawang tahanan.
BASAHIN O PAKINGGAN DIN