Humalik pa ang pangulo sa lupa kung saan mismong sumabog ang bomba na ikinamatay ng 14 na tao kabilang na ang pitong sundalo. Nasa 75 rin ang nasugatan sa nasabing terror attack.
Ayon sa imbestigasyon, 11:53 ng umaga nang mangyari ang unang pagsabog malapit sa paradise enterprises grocery sa Serrantes Street, Barangay Walled.
Sinundan ito ng isa pang malakas na pagsabog, nasa 100 metro lang ang layo mula sa unang blast site, kung saan anim na pulis naman ang nasawi.
Isa ang Serrantes Street sa pinakamataong lugar sa Jolo.
Agad na nag-utos ng total lockdown si Jolo Mayor Kerkhar Tan matapos ang insidente.
Lumalabas sa imbestigasyon na suicide bombers ang nasa likod ng madugong krimen.
Dahil dito, agad na nagtaas ng security status ang mga karatig lugar maging ibang lugar sa Mindanao gaya ng Davao City, Cagayan De Oro at General Santos City.
Mahigpit na kinondena ng pangulo maging ng iba't ibang sektor ang sunod sunod na pag-atake ng mga terorista sa nasabing lugar.
Maalalang noong enero ay dalawangpung katao ang nasawi matapos sumabog ang isang bomba sa Our Lady Of Mount Carmel Cathedral sa Jolo.
Pamilyang nagdaos ng magarbong kasalan sa gitna ng pandemya, pananagutin
Nais papanagutin ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pamilyang nagdaos ng magarbong kasalan sa gitna ng pandemya.
Ito'y matapos magpositibo sa Covid 19 ang isa sa mga bisita sa kasal-- rason kaya kinailangang magsagawa ng contact tracing ng City Health sa lahat ng 40 dumalong bisita maging sa mga nagtrabaho bilang events suppliers.
Ayon sa alkalde, paglabag ito sa Local Executive Order na naglilimita sa 25 bisita sa bawat isasagawang private events sa Davao City.
Inanunsyo rin ni Duterte na imbes na ngayong September 1, posibleng sa ikatlong linggo pa ng buwan magbubukas muli ang Roxas Night Market.
Kailangan raw kasing magdaha- dahan ng LGU sa pagbabalik-operasyon ng ilang sektor dahil patuloy ang pagtaas ng bilang ng Covid 19 sa syudad.
Maging ang pag-aalis ng liquor ban ay posibleng sa Oktubre pa mapagdesisyunan.
Pero pangako ni Mayor Sara sa lahat ng mga empleyadong apektado ng liquor ban na patuloy silang makakatanggap ng rasyon mula sa LGU.
Muli ring paalala ni Duterte sa lahat, sumunod sa health protocols dahil kailangan ng kooperasyon ng lahat upang di na dumami pa ang kaso ng Covid 19 sa Davao City.
Dating congressman at negosyante, guilty sa kasong graft
Hinatulan ng guilty sa kasong graft ng Sandiganbayan si dating Davao Del Norte Congressman at kilalang negosyante na si Tony Boy Floirendo.
Ito'y dahil sa indirect financial interest sa land lease agreement ng Tagum Agricultural Development Company o TADECO at Bureau of Corrections noong 2003.
Ayon naman sa kampo ni Floirendo, magpapasa sila ng motion for reconsideration dahil hindi pa umano final at executory ang desisyon.
Sa desisyong inilabas ng Sandiganbayan, hinatulan si Floirendo ng 6 hangang 8 taong pagkakakulong at perpetual disqualification for holding a public office.


